Mga presidentiables, gigimik sa kick-off rally

Kanya kanya ng pakulo at gimik ang malalaking partido sa pagsisimula ng 90 araw na kampanya bukas.

Ipinagmalaki ng administration party Lakas-Kampi-CMD na magiging “powerful show of force” ang gagawing kick-off rally para sa pangangampanya ni dating Defense Sec. Gilbert Teodoro at Edu Manzano bukas sa Rizal.

Sinabi ni party executive director Ray Roquero, alas kuwatro ng hapon magsisimula ang event sa Ynares’ Gym sa Antipolo City, Rizal kung saan dadaluhan ng buong senatorial slate ng administration party.

Ayon kay Roquero, inaasahang magpapatikim ang grupo nina Teodoro at Manzano sa kung ano ang aasahan sa kanilang campaign sorties sa mga susunod na araw.

Si Pangulong Arroyo na president emeritus ng partido ay hindi dadalo sa event dahil maghapon ito sa cabinet meeting at pagpapakilala sa kanyang mga legacy projects.

Samantala, ang Liberal Party (LP) sa pangunguna ni Sen. Noynoy Aquino ay magsasagawa muna ng wreath laying ceremony sa bantayog ng yumaong Ninoy Aquino sa Concepcion, Tarlac at saka i-unveil at babasbasan ang Cory Monument sa Tarlac City Plaza.

Sa kick-off rally ng LP na magsisimula bandang alas kuwatro y media ng hapon, magkakaroon din ng misa sa Concepcion Church at isang motorcade pa ang gagawin mula Capas papuntang Tarlac City.

Ang Nacionalista Party (NP) naman ni Sen. Manny Villar ay magsasagawa ng sariling kick-off rally sa Laguna.

Alas syete ng umaga ay may market visit na ang NP sa Biñan, Laguna, meron ding meeting sa transport groups sa Sta. Rosa publci market, tutuloy ng Calamba ang convoy para sa high noon mass.

Pagsapit ng alas 3:30 ng hapon ay ang kick-off rally na sa bayan ng Banga sa Calamba at magtatapos sa San Pedro, Laguna.

Sina dating Pangulong Joseph Estrada at Makati Mayor Jejomar Binay ay maaga naman sa Plaza Miranda, Quiapo, Maynila para sa pagsisimula ng kanilang pangangampanya.

Bago rito, magsasagawa muna sila ng motorcade sa Northern Luzon bago dumiretso sa lungsod ng Maynila.

Ibang diskarte naman ang isasagawa ng Bangon Pilipinas sa unang araw ng kampanya.

Pinili ng kampo ni Bro. Eddie Villanueva ang lugar ng Rizal Park sa lungsod ng Maynila sa pamamagitan umano ng paggawa ng kasaysayan.

Alas sais pa lamang umaga sa pagbubukang liwayway ay isasabay ang kick-off rally sa paglulunsad ng bandila ng Pilipinas na pinakamalaking watawat umano sa buong mundo.

Tangka rin nila na maitala ito sa Guinness Book of World Records.

Ang makasaysayang lugar ng unang presidente ng Pilipinas na si Gen. Emilo Aquinaldo sa Imus, Cavite ang pinili naman ng tambalang Sen. Richard Gordon at dating MMDA Chairman Bayani Fernando sa unang araw ng kanilang kampanya.

Inaasahan na ang ibang mga partido ay magbibitbit ng mga artista bilang panghatak sa mga botante lalo na sa masa.

Kanina nagpatalbugan ang ilang mga presidential candidates sa presidential forum sa UP Diliman campus.

Dumalo sina Aquino, JC Delos Reyes, Gordon, Jamby Madrigal, Nicanor Perlas, Teodoro, Villanueva at Villar.

Kapansin-pansing si Estrada lang ang hindi sumipot sa forum at dahil dito, nakatipid ang programa ng 15 minuto na siyang laan para sa bawat kandidato.

Isa sa mga gumisa sa dumalo sa forum ang constitutionalist na si Fr. Joaquin Bernas.

Bagama’t maganda ang mga naging tugon ng kandidato, pinalakpakan ng husto ang sagot ni Villar sa tanong kung ano ang pipiliin nito sa yaman o kapangyarihan.

Sagot ni Villar, noong mahirap pa siya ay nais niyang yumaman, pero ngayong mayroon na siya nito, ibig niyang magkaroon ng poder na turuan ang mga Pinoy na umasenso rin kagaya niya.

Inulan naman si Villar ng mga pasaring mula kina Madrigal at Gordon, partikular ang isyu sa maraming political ads ni Villar at hindi umano pagdalo sa hearing ng Senado.

Pero sa huli ay pinuri rin ni Jamby si Villar dahil umano sa magandang pagkakatina ng buhok nito, ito ay matapos siyang tanungin kung ano ang  maganda niyang sasabihin sa katunggali.

Si Gordon ay kinontra at nagpasaring sa naging pahayag kamakailan ni Noynoy sa isang business forum na hindi siya magtataas ng buwis kung sakaling maging pangulo.

Sa isang pahayag sinabi naman ni Erap na kaya hindi siya nakadalo sa forum ay bunsod ng kanyang pulong sa mahigit 100 political leaders mula sa Mindanao.

Ngunit bago nagsimula ang patutsadahan ng mga presidential candidates, nakatikim ng sigaw at kantiyaw ang mga tagasuporta ni Teodoro, mula sa mga militanteng estudyante ng University of the Philippines.

Ab Workouts

Leave a comment

0 Comments.

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.