Mock polls, all set na para bukas – Comelec

Tiniyak ngayon ng Commission on Elections na wala nang aberya para sa isasagawang mock election bukas sa bansa.

Inihayag ni Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal sa ginawang pagdinig ng Joint Congressional oversight committee on automated election na ang pagdadaos ng mock election sa siyam na lugar sa bansa ay upang matukoy kung ano ang maaaring problema sa kauna-unahang automated na halalan sa bansa.

Napag-alaman na tatlong lugar sa Metro Manila habang tig-dalawa naman sa Baguio City, Cebu at Davao City ang napili ng Comelec na magkakaroon ng dry run sa pagboto, canvassing at transmission ng mga boto.

Samantala, inihayag naman ni Comelec Law Department head Atty. Ferdinand Rafanan na kasabay ng pangamba ng pagpasok umano ng cellphone jammers sa bansa upang isabotahe ang darating na halalan, pinag-iisipan din nila na gumamit ng cellphone jammer sa isasagawang mock election upang malaman kung may epekto ito sa proseso ng halalan.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng Comelec ang pagpapalabas ng en banc resolution para sa maagang halalan sa ibang lugar sa bansa partikular ang mga tinukoy na hotspots.

Inihayag ni Rafanan na dahil sa bigong maipasa ang Early Voting Bill sa Kongreso matapos hindi naihabol dahil sa kawalan ng qourum, nag-suhestyon si Rep. Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro, na magpalabas na lamang ng resolusyon ang Comelec en banc.

Sa nasabing resolusyon, tutukuyin lang umano ng Comelec ang mga lugar na dapat magsagawa ng maagang halalan.

Ayon pa sa opisyal, maaaring mapabilang din sa resolusyon ang early voting para sa mga miyembro ng media.

Ngunit kailangan muna aniya na makompleto ang mga requirements para sa maagang pagboto ng mga miyembro ng media.

Kaugnay nito, tatapusin na ng Comelec bukas ang isinasagawang double-checking sa pinal na listahan ng mga kandidato para sa 2010 election.

Ayon sa komisyon, matapos na na-publish sa mga pahayagan noong Enero 27 ang pinal na listahan ng mga kandidato, muli umano nila itong nirepaso upang matugunan ang ilang mga mali na nakuha mula sa feedback ng publiko.

Kapag natapos na aniya ang double-checking bukas, mailalabas na nila ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa darating na halalan.

Ab Workouts

Leave a comment

0 Comments.

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.