Welcome to the Latest Philippines News

Your Ad Here
Nov 252009

Hindi na umano maaaring ipagpaliban ang pagtataas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) bago mag-Pasko ngayong taon.

Epektibo sa Disyembre, tataas ng P3.50/kilo o katumbas ng hanggang P40 ang kada tangke ng LPG.

Sinabi ngayong umaga ni Arnel Ty, presidente ng LPG Marketers’ Association, wala na silang magagawa dahil kailangan umanong makabawi sa pagtataas sa presyo ng LPG sa world market.

Ayon kay Ty, tumaas ng hanggang $70 ang contract price ng LPG dahil na rin sa tumaas na demand nito simula noong Setyembre.

Gayunman, posible aniyang bababa rin ang presyo nito pagsapit ng Enero at Pebrero sa susunod na taon.

Nov 172009

Binalaan ngayon ng Malacañang ang mga negosyante lalo na ang mga kompanya ng langis na maaaring magsamantala sa pagkakabawi ng Executive Order 839.

Ginawa ng Palasyo ang pahayag matapos ilabas ng Pangulong Arroyo ang Executive Order 845 na nagpapawalang-bisa sa price control.

Sinabi ngayon ni Press Undersecretary Anthony Golez, dapat lamang na sundin ng mga oil companies ang pangakong unti-unti ang pagbawi sa anumang pagkalugi upang hindi mabigla ang mga consumer.

Ayon kay Golez, naranasan na ng mga negosyante ang leksyon ng EO 839 kaya kung mabigo silang tumupad sa usapan, sila rin ang maaapektuhan kapag kumilos ang gobyerno.

Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng Pangulo ang panukala ng NEDA na palawigin ang DOJ-DOE Joint Task Force na magsagawa ng monitoring matapos bawiin na ang oil price control, kasama na ang price control sa mga pangunahing bilihin.

Nov 172009

Maliban sa unti-unting pagbawi sa pagkalugi, tiniyak din ngayon ng ilang kompanya ng langis na magbibigay sila ng discounts sa mga lugar na hindi pa nakakabangon sa pananalasa ng kalamidad.

Ito ay kasabay ng pagbawi ng Pangulong Arroyo sa Executive Order 839 epektibo ngayong araw.

Sinabi ngayon ni PIlipinas Shell chairman at president Edgar Chua, patuloy ang kanilang pagbibigay suporta sa social development ng mga nasa transport sector.

Ayon pa kay Chua, dahil sa pagkakatanggal sa oil price freeze order, magiging masigla ulit umano ang market competition at magbibigay din ito ng positibong signal sa local at business community.

Samantala, sinabi naman ng Malacañang na malaking bagay ang dapat matutunan ng mga kompanya ng langis sa pagpapatupad ng EO 839.

Sinabi ni Presidential Deputy Spokesman for Economic Affairs Gary Olivar, malinaw dito na pursigido at may political will ang gobyerno para pangalagaan ang kapakanan ng taumbayan.

Sep 282009

Ipinag-utos ngayon ng Pangulong Arroyo sa Department of Trade and Industry (DTI) na tiyaking sapat ang ang supply na pagkain at iba pang kailangan ng ating mga kababayang biktima ng bagyong Ondoy.

Maliban sa DTI, inatasan din ng Pangulo ang Energy Department na panatilihing maraming supply ng LPG at gasolina at ibenta lamang sa tamang presyo.

“As a part of this assistance, I am directing DTI to ensure a steady supply of food stuffs and other essentials at reasonable price.  Like to DOE is directed to secure availability of gasoline, LPG, and similar products under normal terms,” pahayag pa Pangulo.

Tiniyak din naman ng Pangulo na magtutuloy-tuloy ang gagawing rescue operations sa ating mga kababayang malubhang sinalanta ng bagyong Ondoy.

Sa statement ng Presidente, sinabi nito na hindi titigil ang gagawing search and rescue operations hanggang hindi matiyak na lahat ay nahanap na o nailigtas na.

Matapos umano ang nasabing unos ay kagyat na aayusin ang mga nasirang imprastaktura at tulungan ang mga nasalanta ng bagyo lalong lalo na sa bahagi ng Marikina, Pasig, Cainta at ilan pang mga lugar na grabeng binayo ng bagyong Ondoy.

“We are continuing our rescue operations until the last of our countrymen in peril is accounted for, then we will repair our damage infrastructure and assist our people in rebuilding their homes and returning normalcy,” ani Pangulong Arroyo.

Bago ito, nanawagan na rin ang Pangulong sa publiko na maging kalmado sa harap ng kalamidad na tumama sa maraming lalawigan, kabilang na ang Metro Manila.

Nanawagan din ang Pangulo sa mga kababayan ng bayanihan o pagtutulungan para sa mga matinding napinsala ng pagbaha.

Tiwala naman ang punong ehekutibo na malalagpasan ng bansa itong pinakahuling trahedya na nag-iwan ng 75 patay at libu-libong bilang ng mga evacuees.

“We shall manage our way out of this latest natural calamity. Let us band together and look out for each other in the finest Filipino tradition of caring and sharing,” wika pa ng Pangulo.

Sep 282009

Nilinaw ngayon ni Land Transportation Office (LTO) chief Arturo Lomibao na walang ipinalabas na kautusan ang Malacañang na pansamantalang ipatigil ang pagpapatupad ng kontrobersiyal na Radio Frequency Identification (RFID), bagama’t bukas ang kanilang tanggapan sa anumang dayalogo para sa pagpapatupad nito.

Subalit nanindigan si Lomibao na may isinagawa silang mga public hearing simula pa noong nakaraang buwan sa iba’t ibat panig ng bansa. Iginiit ng opisyal na itutuloy ang pagpapatupad nito simula sa Oktubre 1 dahil ang tanging kautusan lamang ng Malacañang sa kanilang tanggapan ay ipagpatuloy ang isinasagawang dayalogo sa ibat-ibang sector.

Subalit maaari rin aniyang maantala ang pagpapatupad nito dahil sa isasagawa nilang dayalogo sa iba’t ibang sector na may nais pang linawin sa nilalaman ng RFID.

Una rito, umani ng batikos sa publiko ang pagpapatupad ng LTO sa RFID dahil maliban sa napakamahal ng presyo, wala rin umanong isinagawang konsultasyon bago ito ipatupad sa susunod na buwan.

Aug 052009

Epektibo ngayong 12 ng hating gabi, magpapatupad ng oil price hike ang Pilipinas Shell.

Piso sa kada litro ng gasolina at diesel  habang 50 sentimos naman sa bawat litro ng kerosene ang ipatutupad ng nasabing kompanya ng langis.

Tulad ng Caltex, sinabi  ni Bobby Kanapi ng Shell na pagtataas sa presyo ng langis sa world market ang rason ng kanilang oil price hike.

Samantala, kahalintulad na oil price hike ang ipatutupad din ng Petron mamayang alas sais ng umaga.

Aug 042009

Epektibo ngayong 12 ng hating gabi, magpapatupad ng oil price hike ang Pilipinas Shell.

Piso sa kada litro ng gasolina at diesel  habang 50 sentimos naman sa bawat litro ng kerosene ang ipatutupad ng nasabing kompanya ng langis.

Tulad ng Caltex, sinabi  ni Bobby Kanapi ng Shell na pagtataas sa presyo ng langis sa world market ang rason ng kanilang oil price hike.

Samantala, kahalintulad na oil price hike ang ipatutupad din ng Petron mamayang alas sais ng umaga.

Jul 302009

Inihain na ngayon sa Kamara ang amyenda para sa Cheaper Medicine Law o Republic Act 9502 na may layong lalo pang mapababaan ang presyo ng mga gamot sa bansa.

Batay sa House Bill 6628 ni Iloilo Rep. Ferjenel Biron, nais ng kongresista na ibalik ang Drug Price Regulatory Board na ahensya ng gobyernong dapat magsagawa ng regulasyon sa halaga ng mga gamot.

Ipinaliwanag ni Biron na ang naturang probisyon ay nakasaad din sa kanyang House bill no. 01 na nagtatakda para sa isang Drug Price Regulatory Board, subalit tinanggal sa pinal na bersyon ng batas.

Idinagdag pa ng kongresista na hanggat walang Drug Price Regulatory Board na magsasagawa ng regulasyon sa presyo ng mga gamot, imposible aniya na maipatupad ang pagbaba sa presyo ng mga mahahalagang gamot sa bansa.

Inihayag pa ng kongresista na mahalagang ibalik ang automatic price regulation upang maging permanente na itong mapakinabangan ng mga may sakit at malapit ng mamatay.

Habang sakali namang tuluyan nang maamyendahan ang batas, tiyak ng kongresista na magkakaroon ng regulasyon sa 1,600 na mga life saving drug formulation.

Jul 302009

Kinampihan ng Department of Energy ang pinakahuling ipinatupad na P2 pagtaas sa presyo ng langis kahapon ng madaling araw.

Sa ginanap na pagdinig ng Kamara ukol sa pagtaas sa presyo ng langis, iginiit ni DOE-Oil Management Bureau Director Zenaida Monzada na kung ikukumpara ang presyo ng langis sa international market, mas mababa pa rin ang presyo ng langis sa bansa.

Iginiit ni Monzada na patunay lamang itong gumagana pa rin ang oil deregulation sa bansa dahil pa rin sa magandang kompetisyon na nangyayari sa oil industry .

Ipinaliwanag pa nito na kung mataas ang presyo ng langis sa probinsya, ito ay dahil sa ipinapatupad ang standard retail price na nakabase sa international market.

Idinagdag pa nito na kung ikukumpara ang presyo ng langis sa mga kalapit bansa sa Asya, mas mababa pa rin ang presyo ng langis sa Pilipinas maliban laban sa ibang bansa na kung saan sina-subsidize ng kanilang gobyerno ang presyo ng langis.

Tiniyak din ni Monzada na patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa industriya ng langis, subalit wala aniya silang nakitang ebidensyang magpapatunay na nagkakaroon ng sabwatan o paglabag sa oil deregulation law ang mga kompaniya ng langis.

Jul 242009

Ipinagmalaki ngayon ng Bureau of Treasury na bumaba ang ginawang pangungutang ng gobyerno sa unang kalahating taon makaraang mas maraming utang na binayaran ang gobyerno na nagresulta ng mas maliit ang inutang para punan ang gastusin ng gobyerno.

Batay sa datos ng Bureau of Treasury na sa huling buwan ng Hunyo ay umabot sa P20.42 bilyon ang inutang ng gobyerno na mas mababa kumpara noong nakaraang taon ng P32.01 bilyon.

Inihayag pa ng Bureau of Treasury (BTr) na umabot sa P237.18 bilyon ang inutang ng gobyerno para sa unang semester kumpara sa P242.76 bilyon noong nakaraang taon.

Habang sa kahalintulad din na period ay umabot sa P71.65 bilyon ang nabayarang mga utang panlabas  at P145.11 bilyon naman para sa mga lokal na utang.

Subalit lumalabas din na sa  datos ng (BTr) na sa unang semester ay umabot sa P103.19 bilyon ang mga ginawang foreign loan ng gobyerno na mas mataas kumpara noong nakaraang taon na umabot sa P44.59 bilyon.