Pursigido ang Department of Health (DoH) na isulong ang total ban ng lahat ng uri ng paputok.
Ito ang inihayag ngayon ni Health Secretary Francisco Duque III, matapos maitala ang halos 1,000 mga tinamaan ng firecrackers, kung saan dalawa pa nga dito ang mga nasawi.
Mula sa dating 920 kaninang umaga, nadagdagan na ito ng 46 sa nakalipas na ilang oras lamang para maitala ang 966 na mga firecracker related incidents.
Ani Duque, sa nasabing panukala, hindi na lamang ang mga illegal na uri ng paputok ang ipagbabawal kundi maging ang mga tinatawag na legal ngunit nakapagdulot ng panganib sa ilang mamamayan sa mga nakalipas na New Year celebration.
“We should take the total banning of firecrackers even more seriously now with these two deaths. We should not just ban the kwitis and the new illegal ‘cracker that cause the deaths of these two individuals because if the seemingly harmless watusi is able to not just maim but kill, then the other so-called legal firecrackers might also do the same in the future. We can’t risk more lives anymore before we take the big step of totally banning these potentially killer pyrotechnic devices,” pahayag ni Duque.
Sa eksklusibong panayam naman ng Bombo Radyo ngayong hapon kay DoH Epidemiology Chief Dr. Eric Tayag, may nakabinbin ng bill sa kongreso para sa banning, at kung papalarin aniya ay maihahabol pa ito ng kanilang mga sponsor na mambabatas bago mag-adjourn ang sesyon ng dalawang kapulungan ng kongreso.
Sa ulat ni DoH Sec. Francisco Duque sa isang press conference sa East Avenue Medical Center, bumaba umano ng 15 porsyento o umaabot sa 597 ang mga fireworks related incident mula noong Disyembre 21, 2009 hanggang ngayong Enero 1, 2010.
Sa kabila nito, inamin naman ng PNP ang kanilang pangamba bunsod ng pagtaas ng bilang ng mga naging biktima ng stray bullets na umaabot sa 26 o may pagtaas ng 53 porsyento kumpara sa pagsalubong ng bagong taon noong 2009.
Dahil dito, magsasagawa umano ng ballistic examination ang PNP kaugnay sa mga slugs o basyo ng mga bala na narecover para matukoy kung sino ang may-ari nito lalo na kung ito’y nakarehistro.
Samantala, nagpaliwanag naman si Secretary Duque na ang datos ngayon sa mga fireworks related injuries mula sa 43 mga tinaguriang sentinel hospitals sa iba’t ibang dako ng bansa, ay ang ikaapat sa pinakamababang bilang sa taunang programa ng DoH na “Iwas Paputok Surveillance update.”
Sa 597 na bilang, 570 dito ay mga biktima dala ng paputok, habang ang 26 ay mula sa ligaw na bala, habang isa naman ang insidente ng watusi ingestion.
Ang ang piccolo pa rin ang may pinakamataas na bilang ng mga biktima kung saan umaabot sa 208.
Inaasahan ng DoH na tataas pa ang naturang tala sa mga susunod na araw pero hindi na umano malalampasan ang bilang na naitala noong nakaraang taon.
Ayon kay Duque, posible umanong dahilan ng pagbaba ng bilang ay ang pagiging epektibo ng kanilang inilunsad na scare tactics, pagiging aware na ng publiko na meron naman alternatibong puwedeng magamit sa pag-iingay tulad ng torotot, kaldero, at busina.
Posible rin aniyang may kaugnayan sa kahirapan ng buhay ngayon na ituon na lamang ng iba ang paggastos sa ibang bagay kaysa ilaan sa mga paputok.
GENEVA – Umaabot na ngayon sa halos 10,000 bilang ng mga namamatay dahil sa A(H1N1) influenza.
Ito ang inilahad ng World Health Organization (WHO), batay sa kanilang pinakabagong ulat ukol sa status ng nasabing sakit.
Sa naturang bilang, 6,131 dito ay nagbuhat sa Estados Unidos, habang ang 1,242 ay mula sa Europa.
Maging ang iba pang apat na WHO regions mula sa South-East Asia, West Pacific, East Mediterranean at Africa ay nakapagtala ng 814, 848, 452 at 109 na bilang ng mga namatay.
Magugunitang ang A(H1N1) flu virus ay unang natukoy sa North America noong buwan ng Abril, at pagkalipas nito’y nagdeklara naman ang WHO ng pandemic alert noong Hunyo dahil sa laki ng bilang ng mga namamatay bunsod ng nasambit na karamdaman.
Sa ngayon ay umaabot na sa 208 ang bilang ng mga bansa napasok ng ng naturang sakit. (xinhua)
ILOILO CITY – Ibinasura ng Department of Health (DOH) ang panawagang ibalik ang lingguhang pagbibigay ng update ng ahensya sa kaso ng A(H1N1) virus sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo, inihayag ni DOH Undersecretary Alex Padilla na hindi gusto ng ahensya na magkaroon ng “unnecessary concern” ang publiko.
Mas marami pa nga aniya ang namamatay ngayon sa bansa dahil sa dengue hemorrhagic fever kaysa flu virus.
Ayon pa sa opisyal, kung makakaramdam ng hindi maganda sa katawan mas makabubuti kung magpatingin na lang sa doktor at sa mga ospital ng gobyerno dahil wala naman umanong dapat ikabahala sa kaso ng A(H1N1) cases sa bansa at may sapat na gamot para dito ang pamahalaan.
Ngunit niliwanag ni Padilla na hindi minamaliit ng ahensya ang outbtreak ng A(H1N1) virus sa bansa, ngunit mababahala lamang umano ang publiko kapag naging madalas ang pagbibigay ng report ng ahensya sa kaso ng A(H1N1) virus na hindi naman dapat ikabahala.
Nauna rito, nagpanukala ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na ibalik ang pagbibigay ng regular na update sa influenza A(H1N1) para maging alerto ang publiko sa posibleng “second-wave explosion” batay na rin sa babala ng World Health Organization (WHO).
Kontento umano ang Malacañang sa implementasyon ng Cheaper Medicines Law matapos sumunod na rin ang mga botika at pangunahing drug stores na una ng nagmamatigas na magbaba sa presyo ng gamot.
Sinabi ngayon ni Presidential Deputy Spokesperson Reli Fajardo, 90 percent ng mga botika ay sumunod na sa bagong batas at magandang indikasyon ito para sumunod na rin ang ilan pang nagmamatigas na drug stores.
Samantala, lalagdaan na bukas ni Pangulong Arroyo ang batas na magpapalakas naman sa Bureau of Food and Drugs.
Sa nasabing batas, ang BFAD ay tatawagin na bilang Food and Drugs Administration kung saan nadagdagan ang regulatory powers at pondo ng nasabing ahensya.
Nakapaloob dito ang pagtatayo ng moderno at kompletong testing laboratory sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Maliban dito, hindi na gagalawin ang income ng FDA at mabibigyan pa ng annual budget para matupad ang tungkuling matiyak ang mga gamot at pagkaing pumapasok at nabebenta sa bansa.
Inihayag ngayon ni Health Secretary Francisco Duque III na bagama’t karamihan sa mga botika sa bansa ay agad na sumunod sa unang araw ng pagpapatupad ng Cheaper Medicine Law subalit may ilan din umanong ipinagwalang bahala ang kanilang mga paalala.
Sa isang pulong balitaan sa lungsod ng Quezon, inamin ni Duque na may dalawang malaking drug stores ang kanilang sasampulan ng kaso kapag napatunayang hindi ito sumunod sa mga panuntunan na nakapaloob sa naturang batas.
Bagama’t tumanggi ang kalihim na pangalanan ang naturang mga botika subalit sinabi nitong nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon ukol dito.
Nangako rin si Duque na kanilang ilalabas ang mga pangalan ng nasabing mga drug stores kapag natapos na ang kanilang findings.
Base kasi sa bagong batas, ilan sa mga gamot ay kailangang bawasan ng kalahati kaysa sa dati nitong halaga habang ang iba naman ay depende sa itinatadhana ng kanilang inilabas na guidelines.
Narito ang bahagi ng kautusan na nilagdaan ng Pangulong Gloria macapagal-Arroyo: “Executive Order (EO) No. 821 mandates a 50-percent cut on the prices of five medicines considered essential and currently sold at exorbitant prices in the Philippines. These are anti-hypertensive Amlodipine, anti-cholesterol Atorvastatin; the anti-infection Azithromycin, and the anti-cancer drugs Cytarabine and Doxorubicin. The five drugs covered by EO 821 were categorized as essential medicines based on the following criteria:
-The most expensive but most essential medicines in the market;
-Medicines without generic competition or counterparts;
-Medicines priced four to five times as counterparts abroad;
-Medicines that address most common conditions like hypertension, diabetes, asthma, cancer, infection and high cholesterol.”
Dahil dito, possible umanong maharap sa multang P500,000 hanggang P1 milyon ang mga nagmamay-ari ng botika na lumalabag sa Cheaper Med Law.
Hinikayat ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga mamamayan na i-report sa kanilang tanggapan o sa Bureau of Foods and Drugs (BFAD) ang mga botika na hindi sumusunod sa kanilang kautusan na babaan ang halaga ng mga gamot ng halos 50 porsyento.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque, dapat lamang na dalhin ng mga mamimili ang kanilang resibo para patunayan na binili nila ang gamot sa lumang presyo at hindi sa bagong presyo.
Idinagdag pa ng kalihim na maglalagay rin sila ng mga posters sa bawat mga botika kung anong mga telepono ang maaaring tawagan ng mga mamimili sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sakaling may reklamo sila sa presyo ng biniling gamot.
Nilinaw din ng kalihim na sakop din ng kanilang kautusan na babaan ang presyo ng gamot maging ang mga pribadong ospital matapos hindi nila pinagbigyan ang mga kahilingan na ipagpaliban muna ang kanilang kautusan.
Idinagdag pa ng kalihim nagkasundo na ang DOH at mga pribadong ospital na kung ano ang diperensya sa lumang presyo at sa bagong presyo ay sasagutin na ito ng mga supplier o drug company.
Pinirmahan na ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang executive order sa maximum drug retail price ng mga gamot sa mga botika.
Inihayag ni Department of Health Secretary Francisco Doque lll, layon ng nasabing kautusan na ibaba pa ang presyo ng mga gamot kabilang ang ilang brands na wala sa listahan ng mga gamot na kusang tatapyasan ang presyo nito epektibo sa Agosto 15.
Ang murang gamot ang isa sa mga naging laman ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Arroyo.
Una rito, tiniyak ni Duque, na pag-aaralan nilang mabuti ang listahan na isinumite ng mga pharmaceutical companies kung saan sa 21 gamot ay 17 lang umano ang umabot sa 50 porsyento ang babawasing presyo.
Paliwanag ng kalihim, batay sa letter of undertaking ay apat na gamot ang umaabot lamang sa 30 hanggang 35 percent ang diskwento.
BAGUIO CITY – Umaapela sa publiko ang Department of Health (DOH) na maging vigilante sa pagbabantay sa kanilang kalusugan dahil sa lumalalang kaso ng A(H1N1) virus sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas.
Kasabay nito, inanunsyo ng Department of Health-CAR na aabot na sa 3 ang namatay dahil sa A(H1N1) sa rehiyong Cordillera.
Sa report ng Bombo Radyo Baguio, sinabi umano ng Center for Health Development-CAR, ang tatlong biktima ng nabanggit na sakit ay kinabibilangan ng babaeng kapapanganak, 10-day old na sanggol, at 17-anyos na babae.
Sa ngayon, aabot na sa 114 confirmed cases sa syudad ng Baguio, 11 ang kabuuang bilang ng confirmed cases sa Benguet, at 5 ang positive samples mula sa iba pang probinsya na nasa labas ng Cordillera.
Gayunman, 90 percent na ang mga kasong fully recovered ayon pa sa DOH.
WASHINGTON – Nilinaw ngayon ng Centers for Disease Control (CDC) na wala pa sa mutation stage ang A(H1N1) influenza virus kagaya ng ipinapalagay ng ilang mga indibidwal.
Ayon kay Dr. Nancy Cox, pawang mga haka-haka lamang ang mga lumalabas na ulat at tiyak na hindi ito nanggaling sa kanilang tanggapan o maging sa World Health Organization (WHO).
Sa kabila nito, tiniyak ng CDC na nananatili ang kanilang monitoring sa iba’t-ibang bahagi ng mundo tungkol sa kalagayan ng nabanggit na virus.
Nilinaw din nitong hindi masasabing mutated na ang virus dahil lamang sa dami ng mga flu victims na naitatala.
Kahit kasi aniya mahinang sakit ay maaaring makahawa sa maraming bilang ng tao, lalo na kung napapanahon ito sa isang espesipikong lugar.

Recent Comments