Welcome to the Latest Philippines News

Your Ad Here
Dec 282009

Pinaniniwalaang marami pang cocaine ang marerekober ng mga otoridad mula sa baybaying sakop ng eastern at Northern Samar.

Magugunitang noong isang linggo, mahigit P700 million na halaga ng cocaine ang sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency sa harap ng Pangulong Arroyo at kahapon panibagong 174 kilo na nagkakahalaga ng P735 million ang narekober ng PNP at PDEA.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Presidential Adviser on Local Government at Eastern Samar Gov. Ben Evardone, ang mga narerekober nila ay mga galing sa sakong nasira na sa mga alon kaya maaaring may natitira pa sa karagatan.

Ang mga cocaine umano ay bloke-bloke na parang yelo at nakasilid sa mga sako kung saan ang iba ang namataang palutang-lutang sa karagatan habang ang iba ay sumadsad sa dalampasigan.

Ayon kay Evardone, dalawang teorya ang kanilang tinututukan sa pagkakarekober ng mga cocaine sa kanilang mga baybayin.

Posible aniyang natiktikan ang barko at inihulog ang mga cocaine o maaaring sinadyang inihulog para hindi ma-intercept ng mga kasabwat din nila.

Kasabay nito, nanawagan ang gobernador sa mga mangingisda na huwag susubukang magtago ng mga cocaine na makukuha sa karagatan dahil tiyak aniyang kulungan ang bagsak nila kapag nahuling nag-iingat ng mga ipinagbabawal na gamot.

“Oo nga po, talagang nakakabahala at nakaka-shock po itong nangyari, sa dami po ng mga nakukuha ng mga mangingisda sa baybayin ng Silangang Samar at ngayon bago nga sa baybayin ng Northern Samar,” ani Evardone sa Bombo Radyo.

Dec 242009

Nasa pag-iingat na ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang katumbas sa P100 milyong narekober na 26 na bloke ng cocaine na nasabat ng mga mangingisda sa Barangay Minaanod, Llorente, Eastern Samar.

Ayon kay PDEA Director General at Senior Undersecretary Dionisio Santiago, matapos na i-custody ng PDEA Regional Office 8 ang mga cocaine ito’y dinala sa forensic laboratory ng PDEA sa Quezon City para sa “confirmatory, quantitative at qualitative examination.”

Una umanong nakuha ng mga mangingisda na nagpalutang lutang sa dagat sa pamamagitan ng styrofoam ang 20 bloke ng cocaine noong December 22, 2009.  Bago ito meron ding anim na brick packages ng cocaine ang nakita ng mga mangingisda.

Habang kanina naman ay meron na namang nakuhang panibagong 33 bloke ng cocaine.

Dahil dito, sinabi ni Santiago maglalagay na sila ng recovery station sa lugar, kasabay ng babala sa mga residente na magbabahay bahay sila sa pag-imbestiga upang matukoy kung sino ang nagtatago ng iligal na droga.

Nagbabala rin ito sa mga residente sa lugar na merong mabigat na parusa na nag-aantay sa mahuhulihan ng cocaine.

May teorya ang PDEA na ang mga cocaine ay aksidente lamang na ibinagsak para sana sa nag-aantay na yate pero naunahan ng mga mangingsida, o kaya naman maaaring bahagi ito ng umaabot sa 1,500 kilos ng cocaine mula sa Colombia na ide-deliver sana sa Hong Kong at China pero naharang kaya’t ibinagsak na lamang sa Pilipinas.

Samantala, pinag-ibayo pa ng PDEA Region 8 ang pagmamanman sa lugar na posibleng meron pang mapadpad na cocaine.

“Our agents are working closely with local counterparts; in the persons of PCSUPT Mario Sandiego, PNP Regional Director and MGen Arthur Tabaquero, Commanding General of the 8th Infantry Division, Philippine Army and other local authorities. We are currently undertaking efforts to disseminate guidance to the local populace as to what appropriate actions must be taken in the event that further discoveries of cocaine are made,” ani Santiago.

Dec 222009
(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nakakulong na sa Lanao del Norte Provincial Jail ang tatlong mga pulis na inaakusahang nanggahasa sa isang 13-anyos na dalagitan sa bayan ng Magsaysay, Lanao del Norte.

Ito’y matapos nakitaan  ng korte na may probable cause ang reklamo ng biktima na unang nagpatulong sa Bombo Radyo Cagayan de Oro.

Sa panayam kay chief regional State Prosecutor Jaime Umpa sinabi nito na kinasuhan ng rape sina PO1 Reno Mahilum, Rey Allan Galgo at Ranel Racho na pawang nakatalaga sa Police Regional Mobile Group ng Magsaysay.

Samantala, mariin namang itinatanggi ng kampo ng mga akusado ang paratang ng biktima.

Una rito, inilagay sa camp restriction sa Camp Alagar sa syudad ng Cagayan de Oro ang akusado matapos malaman ng kanilang superiors ang ginawa nilang kabulastugan.

Noong buwan ng Hulyo ng taong kasalukuyan ay pinanood umano ng bold movies ng mga suspek ang biktima sa loob ng kanilang barracks at saka walang awang pinagtulungang gahasain.

Dec 132009

BUTUAN CITY – Mas pinili ngayon ng Police Regional Office na i-maximize muna ang negosasyon at tiniyak ang kanilang kahandaang i-defer muna ang police action hangga’t di kakailanganin, para sa ligtas na kalayaan ng mga binihag na sibilyan.

Ayon kay C/Supt. Lino Calingasan, regional director ng PRO-13 na ang kanilang desisyon na bigyang daan muna ang negosasyon ay dahil na rin sa katotohanang ang krisis ay nagmumula lang sa isang simpleng away ng magkapamilya sa pagitan ng mga pamilyang Perez at Tubay.

Ngunit kanyang ininhayag na ang krisis ay maaaring magsilbing avenue lalo na sa Provincial Peace and Order Council ng Agusan del Sur para i-broker ang pangmatagalang kapayapaan sa pagitan ng dalawang magkaaway na pamilya lalo na at magkakadugo rin pala sila.

Kaugnay dito’y umapela si Gen. Calingasan sa lahat na pahintulutan munang umusad ang negosasyon na hindi maharangan ng kahit ano para sa pangmatagalang resolusyon ng krisis lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.

Nauna rito, kabilang sa inisyal na demand ng mga hostage takers ay ang sumusunod: battery at sigarilyo, pag-aresto at pagdisarma kay Jun Tubay at grupo, presensya ng media personnel, itigil ang police at military operations, at iatras ang mga kaso laban sa kanila.

Dec 112009

(Update) KORONADAL CITY – Nais lamang daw patunayan ng mga Mangudadatu na suportado nila ang gobyerno sa agarang pagresolba ng Maguindanao massacre na ikinamatay ng 57 katao kung kaya’t boluntaryo umano nitong pina-imbentaryo ang mga baril ng 71 mga Civilian Volunteer Organization (CVO) at CAFGU na kanilang mga supporters.

Tahasang sinabi sa Bombo Radyo Koronadal ni Buluan Vice Mayor Ismail ‘Toto’ Mangudadatu, nais nilang patunayan na wala silang hinahawakang private armies kagaya ng pamilya Ampatuan na umano’y nasa likod ng malagim na masaker.

Sinabi nito, na personal nitong inimbitahan ang mga otoridad upang pangunahan ang pag-imbentaryo ng mga baril ng kanilang mga CVO at CAFGU’s sa lugar upang malaman kung legal ang mga ito at kung kanino galing at upang malinawan ang lumalabas na mga report na ibenibentang sa kanilang pamilya.

Napag-alaman kabilang sa nakuha ng mga militar at PNP ay 18 grenade rifle, tatlong M14, at 21 M16 armalite riffle.

Nauna rito, inamin ng vice mayor na nabahala sila ngayon sa seguridad ng mga residente ng Buluan, Maguindanao habang hindi pa nahuhuli ang mga armadong private armies ng pamilya Ampatuan.

Sinabi ni Mangudadatu na hindi malayong atakehin ang mga ito ng mga Ampatuan rebels dahil hanggang ngayon hindi pa rin sumuko sa mga sa otoridad sa kabila ng kampanyang isinagawa ng gobyerno.

Inamin nito, na may mga impormasyon silang natanggap na may mga umaaligid na mga armado sa kanilang lugar kung kaya’t nanawagan ang mga ito ng pagbabantay ng mga otoridad sa kanilang lugar.

Dahil dito, agad namang nagdeploy ng dagdag na pwersa ang militar mula sa 601st Brigade ng Philippine Army at PNP Region 12 upang siguruhin ang kaligtasan ng mga naninirahan sa kanilang lugar.

Dec 032009

Tutol ang gobyerno sa panukalang pagdedeklara ng Martial Law sa Maguindanao para sa seguridad ng lalawigan matapos ang karumal-dumal na masaker.

Sinabi ni Executive Sec. Eduardo Ermita, sapat na ang state of emergency declaration sa lugar at wala silang nakikitang dahilan para ideklara ang Batas Militar.

Sa panig naman ni Interior Sec. Ronaldo Puno, sinabi nitong hindi applicable ang Martial Law dahil wala namang nangyayaring rebelyon sa Maguindanao.

Hindi rin umano ito kasama sa pag-uusapan sa National Security Council meeting sa Biyernes at kung may magrerekomenda ay kanya itong tututulan.

Kasabay nito, nilinaw naman ni Puno ang presensya ng militar at PNP sa paligid ng mga mansion ng mga Ampatuan.

Ayon kay Puno, layon lamang nitong mapigilan ang anumang karahasan at walang intensyong gipitin ang mga ibang miyembro ng pamilya Ampatuan na sinasabing sangkot din sa krimen.

Dec 032009

KORONADAL CITY – Buhay pa ang nawawalang backhoe operator na kinilalang si Hanid Deyaludin na diumano’y sangkot sa naganap na masaker sa Sitio Masalay, Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay S/Supt. Willy Dangane, chief of police ng Cotabato City PNP at deputy enforcement operation officer ng Task Force Alpha, nagpaabot na umano ng kanyang kahandaan na sumuko si Delayudin.

Ayon kay Dangane hanggang sa ngayon hindi pa nagpakita ang naturang backhoe operator at hinihintay nila ang pagsurrender nito.

Nauna rito, inihayag ni Efren Macanas, ang operator ng EC-300 na backhoe na naka-mission receipt sa kanya ang nasabing heavy equipment na diumano’y kinuha ni Delayudin noong Nobyembre 23 sa gasolinahan kung saan ito naka-parking.

Una ng lumabas sa report na posibleng pinatay diumano si Delayudin matapos itong nawala makaraan ang nasabing masaker.

Dec 032009

Naghain ngayon ng amended complaint ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa tinututukang Maguindanao massacre, kung saan karagdagang 12 suspek ang pinasasampahan na rin ng kaso sa  Department of Justice (DoJ).

Kabilang sa mga bagong itinuturing na accused sa multiple murder case ay si Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr. ang ama ni Datu Unsay Mayor Andal Jr., ang pamangkin na si Ulo Ampatuan, Mamasapano town Mayor Bahnarin Ampatuan, Salibo town Vice Mayor Kanor Ampatuan, Muhamad Sanki, Tammy Masukat at isang Police Officer 1 Abbey Guiaden, ang police chief ng bayan ng Datu Unsay, at umaabot sa 100 John Does.

Maliban dito, kasama na rin sa inihaing supplemental complaint ay ang dalawang miyembro ng  civilian volunteer organization (CVO) na nahulihan ng armas, kung saan nagtugma ang M16 armalite rifle ng mga ito sa  mga bala na narekober ng mga otoridad sa crime scene.

Ayon naman kay Police Director Jefferson Soriano ng PNP-Investigation and Detective Management, naging matibay ang ebidensya laban sa iba pang miyembro ng Ampatuan dahil na rin sa mga eyewitness accounts ng mga hawak na testigo.

Una nga rito sa testimonya ni C/Insp. Sukarno Dicay, deputy provincial director ng Maguindanao Provincial Police Office, nakita nito talaga si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na may bitbit na mahabang armas, kasama ang may 100 armado ring grupo ng CVO at hinarang ng mga ito ang convoy ng misis ni Vice Mayor Esmael Mangudadatu na si Ginalyn.

Matapos umanong maharang ang mga sasakyan,  pinalabas at pinadapa ni Mayor Ampatuan ang mga sakay nito at kinuha ang camera at cellphone ng mga pasahero.

Binantaan din umano sila ni Ampatuan na huwag makialam kung ayaw nilang mapahamak.

Ipinaliwanag naman ni Soriano na hindi pa sila kaagad makapagpapalabas ng warrant of arrest laban sa mga bagong suspek habang dadaan pa sa pag-aaral ng DoJ ang kanilang rekomendasyon.

Samantala, nasa Metro Manila na ang bagong mga testigo na hawak ng National Bureau of Investigation (NBI) na naunang sinundo mula sa General Santos City.

Bago mag-alas sais na ng gabi ng dumating sa Villamor Air Base sa Pasay City ang mga testigo na kasama sina Justice Secretary Agnes Devanadera at ilang opisyal ng NBI.

Sa panayam kay Devanadera, nagpahiwatig ito na ang mga bagong testigo ay lalong magdidiin sa mga Ampatuan at marami pang makakasuhan.

“We wil be able to charge more people,” ani Devanadera.

Sinasabing kabilang umano sa testigo at nais maging state witness ay mismong bodyguard ni Gov. Andal Ampatuan Sr. na una ng lumantad sa Aljazeera TV.

Batay sa kuwento nito, nagsilbi umano siyang lookout habang nangyayari ang malagim na krimen sa Sitio Masalay, Ampatuan, Maguindanao.

Ang nakakatandang Ampatuan umano ang mastermind na siyang nag-utos na iligpit ang lahat ng mga Mangudadato, maging bata man o babae.

Sinabi pa nito na ang malaking hukay na ginawa sa bundok kung saan doon ibinaon ang ilang bangkay.

Samantala, bago naman dalhin sa Metro Manila ang mga witness ay tiniyak ng DOJ ang seguridad ng pamilya ng mga ito dahil na rin sa banta sa kanilang buhay.

Dec 022009

COTABATO CITY — Sinampahan na ng 25 counts of murder ang pangunahing suspek sa karumaldumal na Maguindanao massacre na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr. sa lungsod ng Cotabato.

Paliwanag naman ni City Prosecutor Edilberto Jamora, 25 kaso pa lamang ang kanilang inihain sa ngayon, dahil ito pa lamang umano ang bilang ng mga biktima na naproseso ang mga medical papers at death certificates.

Dalawang boxes ng mga dokumento at ebidensya ang iniharap ng prosecutors kay Cotabato Regional Trial Court Branch 15 Clerk of Court Umaima Silongan.

Maliban kay Andal Ampatuan, Jr., maraming mga John Does din ang kasama sa charge sheet.

Tiniyak naman ni Jamora na madadagdagan pa sa mga susunod na araw ang kasong kakaharapin ni Ampatuan at iba pang mga suspects.

“We only filed 25 because at the time of the inquest proceedings, those were only available medical records of the victims,” ani Jamora.

Bukod dito, naghain din ng mosyon ang government prosecutors para hilingin sa korte ang commitment order para matiyak na manatili sa NBI-Manila detention center si Ampatuan.

Dec 012009

(Update) COTABATO CITY – Malakas umano ang ebidensiya ng mga otoridad na pag-aari ng mga Ampatuan ang sangkaterbang mga baril at bala na nakumpiska kaninang umaga sa isang safehouse sa Bagua 2, Tanghal Subdivision, Cotabato City.

Hindi na naabutan pa ng raiding team mula sa Joint Task Force 12-Alpha ang nagmamay-ari ng bahay na si C/Insp. Saudi Mukamad ng 1507th Police Provincial Mobile Group.

Nakuha sa dalawang palapag na bahay ang pinaghiwa-hiwalay na bahagi ng M16 armalite rifle, rocket propelled grenade, PNP Kevlar helmet, umaabot sa 513 na mga bala ng M16 at M14 rifle, caliber .45 pistol, ilang combat boots at nakuha din ang isa pang M16 rifle na tampered ang serial number.  Nakita ang M16 sa ilalim ng kutson ng kama na sekretong taguan.

Nakatakda namang ipasuri ang mga nakumpiskang baril sa ballistic examination para ikumpara kung ginamit sa nangyaring masaker.

Nauna rito, sinasabi ng SOCO na umaabot sa anim na M16 rifle ang ginamit sa krimen, isang AK-47, isang M14 rifle at isang shotgun.

Ayon sa task force bagamat kulang pa ang kanilang nakuhang mga armas makakatulong ito bilang ebidensiya na pag-aari ng mga Ampatuan.

Sinabi ni Col. Felicisimo Khu, task force commander, ang pinagtaguang lugar ng mga armas ay posibleng isa lamang sa marami pang lugar.

Kinumpirma naman ng PNP na si Mukamad ay nag-AWOL matapos ang nangyaring masaker at pag-relieve sa kanila sa tungkulin.

Ayon naman sa CIDG isang nagngangalang Mukamad ang itinuturo ng ilang testigo na kabilang sa namuno sa pagbaril sa mga biktima ng masaker.

Kaya naman tukoy na umano nila kung sino-sino ang ilan sa mga suspek na nasa  lugar ng mangyari ang insidente.

Sinasabing ang grupo din ni Mukamad ang nagsagawa ng checkpoint sa isa sa mga highway sa bayan ng Ampatuan kung saan dumaan ang convoy ng mga Mangudadato at ilang mamamahayag.

Naniniwala naman ang AFP na dapat na isuko ng mga Ampatuan ang kanilang matataas na kalibre ng baril para masuri.