Dahil sa pangambang baka hindi makahabol sa itinakdang deadline para makompleto ang mahigit 50 million ballots na gagamitin ngayong May 10 presidential elections, may alternatibong naisip ang Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, kukuha sila ng karagdagang mga printers sa Pampanga na siyang mag-iimprenta sa kakailanganing mga balota.
Layon nito ayon kay Larrazabal ay mapabilis ang pag-imprinta ng mga balotang gagamitin sa poll automation.
Inihayag ng opisyal na bahagya silang natatagalan sa printing dahil hindi naman umano magkakapareho ang mga kandidato sa bawat lugar.
Dagdag pa ng opisyal, simula ngayong araw target nilang makatapos ng 700,000 balota araw araw.
Sa ngayon ay umaabot na sa halos 13.5 million ballots ang naimprinta ng Comelec.
Umaasa ang Malacañang na tuluyan na matatahimik ang mga kritiko ng administrasyon sa huling pahayag ng Pangulong Gloria Arroyo para sa isang peaceful transition of power sa oras na magtapos ang kaniyang termino sa Hunyo at may nahalal na bagong pangulo ng bansa.
Sinabi ni presidential spokesperson Ricardo Saludo na ang mahalaga sa mensahe ng presidente ay mayroong katiyakan ang publiko na magiging mapayapa ang darating na halalan at ang pag-upo ng mananalo sa eleksyon.
“Ang ating taumbayan handa na sila para sa halalan. Oras na may idineklarang pangulo, alam nila na itong bagong pinuno ay siyang hahalili. At magkakaroon tayo ng mapayapa, maayos na paglilipat ng kapangyarihan,” giit ni Saludo.
Dagdag pa ng kalihim, sa kasalukuyan ay mayroon ng paghahanda ang tanggapan ng Presidential Management Staff para sa binabanggit na paglilipat ng kapangyarihan sa susunod na lider ng Pilipinas.
Makikipag-ugnayan din umano ang tanggapan ng Pangulo sa kampo ng kung sinoman ang papalit sa puwesto para sa gagawing transition of power.
“Oras na magkaroon ng idineklarang susunod na pangulo, eh di magkakaroon ng pagpupulong sa doon kampo ng bagong pangulo kung ano ang ibig niyang gawin para doon sa transition,” ani pa Saludo.
Inihayag ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na matagumpay ang isinagawang unang araw ng official ballot printing o ang mga gagamitin sa kauna-unahang nationwide automated elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, base sa impormasyong ipinalabas ng National Printing Office (NPO), nakapaglimbag sila ng 700,000 balota sa maghapon.
Inuna umano ng NPO ang mga balota mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Paliwanag nito, mas mahahaba kasi ang balota sa naturang lugar dahil sa bilang ng kanilang mga nakatalang kandidato.
Bagama’t may mga pagkakataon umanong pansamantalang humihinto ang kanilang mga makina nitong mga nagdaang araw, maayos naman umano ang ipinakita ng mga ito ngayong araw.
Pero kung maaaring tingnan ng mga observer ang aktwal na printing nitong nagdaang linggo, mas mahigpit na ngayon ang NPO kung saan sa monitoring room na lamang mapapanood ang paglimbag ng mga balota.
Maging ang PNP at NPO security ay mas mahigpit na rin, bukod sa pagdaragdag ng kanilang mga tauhan kumpara sa dating bilang ng mga ito.
Kanya kanya ng pakulo at gimik ang malalaking partido sa pagsisimula ng 90 araw na kampanya bukas.
Ipinagmalaki ng administration party Lakas-Kampi-CMD na magiging “powerful show of force” ang gagawing kick-off rally para sa pangangampanya ni dating Defense Sec. Gilbert Teodoro at Edu Manzano bukas sa Rizal.
Sinabi ni party executive director Ray Roquero, alas kuwatro ng hapon magsisimula ang event sa Ynares’ Gym sa Antipolo City, Rizal kung saan dadaluhan ng buong senatorial slate ng administration party.
Ayon kay Roquero, inaasahang magpapatikim ang grupo nina Teodoro at Manzano sa kung ano ang aasahan sa kanilang campaign sorties sa mga susunod na araw.
Si Pangulong Arroyo na president emeritus ng partido ay hindi dadalo sa event dahil maghapon ito sa cabinet meeting at pagpapakilala sa kanyang mga legacy projects.
Samantala, ang Liberal Party (LP) sa pangunguna ni Sen. Noynoy Aquino ay magsasagawa muna ng wreath laying ceremony sa bantayog ng yumaong Ninoy Aquino sa Concepcion, Tarlac at saka i-unveil at babasbasan ang Cory Monument sa Tarlac City Plaza.
Sa kick-off rally ng LP na magsisimula bandang alas kuwatro y media ng hapon, magkakaroon din ng misa sa Concepcion Church at isang motorcade pa ang gagawin mula Capas papuntang Tarlac City.
Ang Nacionalista Party (NP) naman ni Sen. Manny Villar ay magsasagawa ng sariling kick-off rally sa Laguna.
Alas syete ng umaga ay may market visit na ang NP sa Biñan, Laguna, meron ding meeting sa transport groups sa Sta. Rosa publci market, tutuloy ng Calamba ang convoy para sa high noon mass.
Pagsapit ng alas 3:30 ng hapon ay ang kick-off rally na sa bayan ng Banga sa Calamba at magtatapos sa San Pedro, Laguna.
Sina dating Pangulong Joseph Estrada at Makati Mayor Jejomar Binay ay maaga naman sa Plaza Miranda, Quiapo, Maynila para sa pagsisimula ng kanilang pangangampanya.
Bago rito, magsasagawa muna sila ng motorcade sa Northern Luzon bago dumiretso sa lungsod ng Maynila.
Ibang diskarte naman ang isasagawa ng Bangon Pilipinas sa unang araw ng kampanya.
Pinili ng kampo ni Bro. Eddie Villanueva ang lugar ng Rizal Park sa lungsod ng Maynila sa pamamagitan umano ng paggawa ng kasaysayan.
Alas sais pa lamang umaga sa pagbubukang liwayway ay isasabay ang kick-off rally sa paglulunsad ng bandila ng Pilipinas na pinakamalaking watawat umano sa buong mundo.
Tangka rin nila na maitala ito sa Guinness Book of World Records.
Ang makasaysayang lugar ng unang presidente ng Pilipinas na si Gen. Emilo Aquinaldo sa Imus, Cavite ang pinili naman ng tambalang Sen. Richard Gordon at dating MMDA Chairman Bayani Fernando sa unang araw ng kanilang kampanya.
Inaasahan na ang ibang mga partido ay magbibitbit ng mga artista bilang panghatak sa mga botante lalo na sa masa.
Kanina nagpatalbugan ang ilang mga presidential candidates sa presidential forum sa UP Diliman campus.
Dumalo sina Aquino, JC Delos Reyes, Gordon, Jamby Madrigal, Nicanor Perlas, Teodoro, Villanueva at Villar.
Kapansin-pansing si Estrada lang ang hindi sumipot sa forum at dahil dito, nakatipid ang programa ng 15 minuto na siyang laan para sa bawat kandidato.
Isa sa mga gumisa sa dumalo sa forum ang constitutionalist na si Fr. Joaquin Bernas.
Bagama’t maganda ang mga naging tugon ng kandidato, pinalakpakan ng husto ang sagot ni Villar sa tanong kung ano ang pipiliin nito sa yaman o kapangyarihan.
Sagot ni Villar, noong mahirap pa siya ay nais niyang yumaman, pero ngayong mayroon na siya nito, ibig niyang magkaroon ng poder na turuan ang mga Pinoy na umasenso rin kagaya niya.
Inulan naman si Villar ng mga pasaring mula kina Madrigal at Gordon, partikular ang isyu sa maraming political ads ni Villar at hindi umano pagdalo sa hearing ng Senado.
Pero sa huli ay pinuri rin ni Jamby si Villar dahil umano sa magandang pagkakatina ng buhok nito, ito ay matapos siyang tanungin kung ano ang maganda niyang sasabihin sa katunggali.
Si Gordon ay kinontra at nagpasaring sa naging pahayag kamakailan ni Noynoy sa isang business forum na hindi siya magtataas ng buwis kung sakaling maging pangulo.
Sa isang pahayag sinabi naman ni Erap na kaya hindi siya nakadalo sa forum ay bunsod ng kanyang pulong sa mahigit 100 political leaders mula sa Mindanao.
Ngunit bago nagsimula ang patutsadahan ng mga presidential candidates, nakatikim ng sigaw at kantiyaw ang mga tagasuporta ni Teodoro, mula sa mga militanteng estudyante ng University of the Philippines.
Iniutos na ngayon ni Judge Myra Garcia-Fernandez ng branch 18 ng Manila Regional Trial Court ang pag-aresto kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson dahil sa kasong kidnapping at double murder kaugnay sa pagpatay sa dating public relations expert na si Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito noong taong 2000.
Ang warrant of arest laban sa senador ay ipinalabas isang buwan matapos na siya’y kasuhan.
Non-bailable offense ang kinakaharap ni Lacson.
Pinagbasehan ng korte ang naging testimonya ni dating police Col. Cezar Mancao na narinig umano niya ang utos ni Lacson noong ito pa ang PNP chief sa pagdukot kay Dacer na nagmula naman ang direktiba sa isang alyas Bigote.
Nauna rito, sinabi ng legal spokesman ni Sen. Lacson na si Atty. Alex Avisado na hindi pa hinog ang pagpapalabas ng mandamiento de aresto sa dahilang hindi pa naman nareresolba ng huwes ang kanilang mga pleadings.
Kahapon sinabi ng NBI na wala sa Australia si Lacson kundi nasa Hong Kong o kaya sa ibang bansa na hindi na kailangan ang visa requirement.
Noong nakaraang linggo lamang ay kinumpirma nga ng senador na umalis siya sa bansa dahil umano sa panggigipit sa kanya.
Sa layuning matigil ang karahasan at magamit ng mga private armies ngayong May 2010 elections, lumagda ngayon sa isang kasunduan ang mga political leaders at kandidato sa lalawigan ng Masbate.
Ang Masbate ayon sa Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) ay isa sa mga lugar sa bansa kung saan laganap ang nangyayaring patayan sa tuwing nalalapit ang halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Commissioner Herman Basbaño ng Zenarosa Commission, sinabi nito na layon ng naturang covenant signing ay para maging mapayapa, maayos at kapani-paniwala ang eleksyon.
Kabilang sa nanguna sa paglagda ay ang dalawang gubernatorial candidates ng Masbate, na sina incumbent Gov. Eloisa Kho at Rep. Rizalina Seachon-Lanete.
Liban sa kanila, 41 iba pang mga lokal na opisyal at mga kandidato ang pumirma rin sa covenant.
Ang naturang okasyon ay sinaksihan din ng matataas na opisyal ng PNP sa pangunguna ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa.
Bago pa man nagtungo sa Masbate ang komisyon ay isang pangulo ng Association of Brgy. Captains ang pinatay sa lugar.
Una rito, inilagay sa full control ng PNP ang buong probinsya ng Masbate matapos mabansagan itong “deadliest and most dangerous place” sa panahon ng eleksyon.
Ayon kay PNP Director General Jesus Verzosa, mayroon ng binuong Special Task Force Masbate para tutukan ang peace and order situation sa lalawigan.
Inilagay ng PNP sa kanilang Election Watch List of Areas (EWAs) ang 15 sa 21 bayan sa Masbate, dahil na rin sa mahigpit na labanan sa lokal na posisyon at serye ng mga karahasan na namamayani sa naturang lugar.
Itinalaga ngayon ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Crispulo “Jun” Icban Jr., bilang bagong press secretary ng Malacañang.
Si Icban ay kasalukuyang chief editor ng pahayagang Manila Bulletin.
Papalitan ng opisyal ang iniwang puwesto ng yumaong si Sec. Cerge Remonde.
Una rito, itinalaga muna ng Pangulo si Philippine Information Agency head Conrado “Dodie” Limcaoco Jr. bilang acting press secretary, kasunod ng nangyari kay Cerge.
Ang tubong Pampanga na si Icban ay nagtapos bilang magna cum laude sa kursong A.B. English sa University of the Philippines sa Diliman noong 1954 at Master of Arts in Journalism mula sa Syracuse University sa New York, sa ilalim ng Fulbright and Smith Mundt grants.
Pumasok siya sa pahayagang Manila Bulletin noong taong 1974 bilang consultant to the publisher, hanggang maging News Editor at marating nito ang kasalukuyang posisyon.
Samantala, dinala na sa Heroes Hall ng Malacañang ang labi ni Remonde mula sa Heritage Park Memorial Chapel sa Taguig City.
Pinangunahan mismo ng Pangulong Arroyo ang paggawad ng posthumous presidential citation para sa namayapang opisyal.
“We mourn the loss of this faithful and talented mediaman and public servant..Cerge, we will miss you. We pray that you are now singing Pit Señor in heaven. Goodbye Cerge, rest in peace,” ayon sa mensahe ng pamamaalam ng Pangulo.
Pinayagan na ngayon ng Commission on Elections (Comelec) si dating Pangulong Joseph Estrada na muling tumakbo sa May 2010 presidential elections.
Sa ipinalabas na resolusyon ng Comelec, ibinasura ng Second Division ang disqualification case na inihain ng mga abugadong sina Atty. Oliver Lozano, Evillo Pormento at Elly Pamatong.
“Let the people decide who will be the next president,” ang bahagi ng sinasaad sa resolusyon.
Ipinaliwanag ni division’s head commissioner Nicodemo Ferrer na walang merito ang inihaing disqualification case nina Lozano, Pormento at Pamatong.
“The two petitions for disqualification separately filed by Evilio Pormento and Mary Lou Estrada against former President Joseph Estrada are both denied for utter lack of merit,” ayon sa Comelec.
Una ng iginiit ng mga petitioners na unconstitutional ang muling pagsabak ni Estrada sa pampanguluhang halalan dahil ito ay umano ay hayagang paglabag sa isinasaad ng Section 4, Article VII ng Philippine 1987 Constitution.
Subalit sa argumento ng mga abugado ni Erap, ang ban sa re-election ay para doon lamang sa presidente ng Pilipinas na nakapagsilbi na ng mahigit sa apat na taon.
Bilang reaksiyon, todo naman ang pasasalamat ng dating pangulo matapos ibasura ang petisyon laban sa kanya.
Sinabi pa ni Estrada na ang panibagong panalong kaniyang nakamit ay panalo na rin umano ng masang Pilipino na patuloy na naniniwala sa kaniya. Nataon pa aniya ang desisyon sa anibersaryo ng pagpapatalsik sa kanya siyam na taon na ang nakakararaan.
Nilinaw naman ng Comelec na maaari pang iapela ang kaso laban sa dating Pangulong Estrada.
Ayon pa kay Commissioner Ferrer, maaari pang iangat ng mga petitioners sa Comelec en banc ang kahilingan ng mga ito na maibasura ang kanditura ni Estrada.
Dagdag pa ng opisyal, posible ding umabot pa sa Supreme Court ang kaso kung sakaling ipipilit ng mga kontra sa kandidatura ni Estrada ang kanilang kaso.
Maalala na kahapon lamang ay ibinasura din ng Supreme Court ang isang hiwalay na disqualification case laban din kay Estrada na inihain ng grupong Vanguard.
Samantala, pinatawan naman ng contempt ni commissioner Nicodemo Ferrer si Pamatong matapos akusahan nito ang poll body na umano’y “corrupt,” matapos katigan ang dating Pangulong Estrada.
Ipinag-utos din ni Ferrer ang pagdampot kay Pamatong at pagbitbit sa kaniya palabas ng session hall.
Si Ibrado ay nakatakdang magretiro sa March 10 at sinasabing si Lt. Gen. Delfin Bangit ang malakas na contender sa posisyon.
Una ng inihayag ng ilang senior military officers ang kanilang suporta sa term extension para kay Ibrado hanggang matapos ang eleksyon at pagbaba ng Pangulong Arroyo sa June 30.
Sinabi ngayon ni Executive Sec. Eduardo Ermita, nababasa lamang nila ito at wala pang nababanggit sa kanya ng Pangulong Arroyo.
Ayon kay Ermita, prerogative ng Pangulo kung nais nitong palawigin ang termino ni Ibrado at tiyak aniyang maiintindihan ng mga AFP officials hanggang sa pinakamababang ranggo.
Hindi naman umano bago kung sakaling i-extend nga ng Pangulo ang termino ni Ibrado dahil noong panahon nga ni dating Pangulong Cory Aquino ay na-extend nito ang panunungkulan ni Gen. Renato de Villa.
Samantala, nabanggit na rin kahapon ni Ibrado na hindi na mae-extend pa ang kanyang tour of duty.
Sinabi ni Ibrado na magre-retire na siya sa serbisyo sa darating na buwan ng Marso at walang plano na manatili pa o magkaroon ng extension bilang AFP chief.
Nilinaw din nito na walang inaalok sa kanya na posisyon sa pamahalaan o kaya ang posibilidad na maging miyembro ng gabinete.
Nagluluksa ang Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) sa pagpnaw ni Press Secretary Cerge Remeonde na tanging naging KBP chairman na nagsilbi ng anim na sunod sunod na taon.
Ayon kay KBP national Pres. Herman Z. Basbaño, malaking kawalan umano si Remonde hindi lang sa KBP kundi sa buong bansa na tumutulong pa rin sa KBP kahit naitalaga na siya bilang sa opisyal sa gobyerno.
Tinukoy naman ni KBP vice-chairman Butch Canoy, na isa sa legacy ni Remonde ay ang pag-institutionalize sa training ng mga provincial chapter ng KBP.
Para kay incoming chairman Jun Nicdao, na-shock umano ang mga miyembro lalo na at maraming malalapit sa kanya sa KBP. Kaya’t tiyak na hahanap-hanapin ito ng pamunuan ng KBP at mga miyembro.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Basbaño, sinabi nito na natanggap umano nila ang balita habang nasa kasagsagan ng diskusyon at pagpupulong ang mga commissioners ng Zenarosa Commission.
Dahil dito, nag-alay sila ng minute of silence.
Kaugnay nito, binigyan ng pagkilala ni Commissioner Basbaño si Remonde sa mahalagang papel na ginampanan sa KBP na naging chairman sa loob ng anim na taon.
Kabilang aniya rito na napag-isa ang asosasyon at naibalik ang sigla ng KBP.
“Hinihikayat ko ang ating mga kasamahan hindi lang sa broadcast kundi pati sa print at iba pang kasapi ng media na manalangin para kay Secretary Cerge Remonde. He is very helpful to the industry sa mga nagawa niya especially sa KBP. Kung anuman ang nagawa niya sa KBP ay sana maging basehan din na gagawin ng mga susunod ng mga lideres sa broadcast at sa media sa kabuuan,” pahayag pa ni Basbaño
Samantala, inihayag na rin ng cardiologist ni Remonde na maraming sakit ito.
Ayon kay Dr. Anthony Leachon, may hypertension, diabetes at sumailalim din ito sa surgical spine surgery na indikasyon na mayroon itong risk factor sa heart attack.
Sa kaso ni Remonde, bumigat umano ang timbang nito dahil sa cholesterol.
Dagdag pa ni Leachon, nalaman umano nito sa isinagawang check-up at nakatakda sana itong magpatingin dahil katatapos lamang ng holiday season.
Naisalba pa sana ang press secretary kung naisugod agad ito sa ospital 30 minuto bago ito inatake sa puso.
Pero isang oras pa ang lumipas bago ito naidala sa Makati Medical Center.
Nagkaroon din umano ng sakit sa puso si Remonde dahil sa paninigarilyo.
Mas marami umano namamatay sa malamig na temperature dahil sa malamig na panahon.

Recent Comments