Masayang ibinalita ni Top Rank Promotions President Bob Arum na selyado na ang welterweight match nina Manny Pacquiao at Joshua Clottey.
Ayon kay Arum, may napili na rin silang lugar kung saan gaganapin ang March 14 fight nina Pacquiao at Clottey at ito ay gagawin sa Arlington, Dallas.
Aniya, nag-usap na sila ni Cowboys Stadium owner Jerry Jones sa posibleng pagdausan ng unang pagdedepensa ni Pacquiao sa kanyang hawak na WBO welterweight belt.
“We have deal for March 13 (March 14 Phil. time). It was the greatest place that I’ve ever to. This boxing event will be so memorable for the fans and this is not a normal stadium. It’s hard to picture it unless you come here and see it for yourself with all the electronics and big screens,” ani Arum.
Kaugnay nito, inihayag na ni Arum na susunod ang gagawing dalawang araw na press tour para i-promote ang Pacquiao-Clottey fight.
Unang gagawin sa Dallas sa January 19 at sa New York naman sa January 20.
Kabilang din sa mga ikinokonsiderang undercard fight ay si dating welterweight champion Antonio Margarito.
“There will be three fights underneath Pacquiao vs. Clottey. A press conference is scheduled for the 18th in Dallas (19 Jan. Phil. time) and a New York press conference on the 19th… We’re looking to put a lot of Hispanic fighters on the card. (Antonio) Margarito is one of them,” dagdag ni Arum.
Ito na ang pangatlong pagkakataon na lalaban sa welterweight division ang Filipino champion.
Sasabak na lamang sa isang defense fight para sa hinahawakang WBO welterweight title si Filipino pound-for-pound king Manny Pacquiao sa March 2010.
Matapos bumagsak ang negosasyon para sana sa makasaysayang Pacquiao-Floyd Mayweather, Jr. mega fight, inanunsyo ngayon ng Top Rank ang gagawing pag-depensa ni Manny sa koronang naagaw mula kay Puerto Rican star Miguel Cotto sa naghahamon ngayon na si Joshua Clottey.
Si Clottey (35-3, 20 KO) ay tinalo na noon ni Antonio Margarito at mismong ni Cotto.
Bagama’t hindi kasing eksplosibo ng Pacquiao-Mayweather o kaya Pacquiao-Yuri Foreman fight, pero ayon sa mga boxing critics, kinikilala si Clottey bilang “tough, stylistic matchup for anyone” at maituturing na malaking laban din kung sakaling matuloy ang kanilang face off.
Nauna na ring kinumpirma ni Dovid Efune, PR director ng Team Foreman na umatras umano si coach Freedie Roach, ang trainer ni Pacquiao na isugal ang career ng Filipino ring icon sa WBA junior middleweight king na si Foreman.
Ayon pa kay Efune, natatakot umano si Roach na madidisgrasya si Pacquiao sakaling lumaban ito sa hindi hamak na mas mabigat, mas bata at 6 footer na si Foreman.
“It’s a real honor that the greatest pound for pound fighter in the world doesn’t want to fight me and apart from winning the WBA junior middleweight championship it’s the greatest honor of my career,” ani Foreman.
Inatasan ngayon ni WBO welterweight champion Manny Pacquiao ang kanyang promoter na si Top Rank Promotions President Bob Arum na ihanda na ang mga kanilang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa mag-amang sina Floyd Mayweather Sr. at Jr. at Golden Boy Promotions.
Ayon kay Pacquiao, mapanirang puri ang mga akusasyon ng mga Mayweather at Golden Boy.
Dagdag pa ng Pinoy ring icon, kung sa tingin umano nila ay biro ang kanilang ginagawa pero hindi naman umano sapat na akusahan ang isang taong gumagamit ng steroids o performance-enhancing drugs.
“Enough is enough. These people, Mayweather Sr, Jr., and Golden Boy Promotions, think it is a joke and right to accused someone wrongly of using steroids or other performance-enhancing drugs. I have tried to just brush it off as a mere pre-fight ploy but I think they have gone overboard,” wika ni Pacquiao.
Ibinulalas din ng pound-for-pound king ang kanyang galit, dahil marami umanong nagtatanong sa kanya kung totoong gumagamit siya ng performance-enhancing drugs at dinaya ang sarili para maging number 1 boxer sa mundo.
Paglalahad pa ni Pacman, kailanman hindi siya tumikim ng steroids at ang pagiging magaling niyang boksingero ay resulta ng kanyang hard work.
Kaugany nito, hinamon ni Pacquiao si Mayweather na huwag maging duwag na labanan siya.
Aniya, nawa’y maging maligaya ang pasko ni Floyd Jr. at magkita na lamang umano sila sa korte.
“Now I say to Floyd Mayweather Jr., don’t be a coward and face me in the ring, mano-a-mano and shut your big, pretty mouth, so we can show the world who is the true king of the ring. To Floyd, despite all these accusations, may your Christmas be merry and I will see you in court, soon,” ani Pacman. (boxingscene)
Kinumpirma ngayon ni FIlipino pound-for-pound king Manny “Pacman” Pacquiao ang nalalapit nitong pagretiro sa boksing, pagkatapos ng laban nito kay Floyd Mayweather Jr.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, inamin ni Pacquiao na posibleng huling laban na nito si Mayweather.
Batay sa mga pahayag ng Pacquiao at Mayweather camp, nakatakda ang laban sa March 13, 2010 na gagawin sa MGM Grand, Las Vegas.
“Last na siguro yan (laban kay Mayweather),” ani Pacman.
Nagyon pa lamang itinuturing na ni Pacman na isa sa pinakamabigat niyang laban ang paghaharap nila ni Mayweather lalo’t marami na ring pinabagsak na sikat na kampeon sa boxing, liban pa sa wala pang talo ang dating pound-for-pound king.
“Gagawin natin ang lahat na ating makakaya, wala namang imposible kung may tiwala ka sa Panginoon, magtrabaho tayo ng husto sa training,” ayon pa kay Pacquiao.
Maliban sa nalalapit na laban, pinaghahandaan din ngayon ni Manny ang pagsabak sa congressional election sa May 2010 sa ilalim ng Nacionalista Party para sa lone district ng Sarangani province.
Habang papalapit ang pagtatapos ng 25th Southeast Asian Games (SEAG) dumadami pang gintong medalya ang nakukuha ng Philippine team.
Mula sa pagiging over-all number six spot, umakyat na ngayon sa ikalimang puwesto ang Pilipinas at bumagsak naman sa ranking ang Singapore.
Matatandaang number 3 spot kahapon ang Singapore, ngunit ngayon nasa ika-anim na puwesto na lamang.
Nagdagdag sa gintong medalya ng Pilipinas si women world 10-ball champion Rubilen Amit kung saan nakuha ang kanyang ikalawang gold medal sa 9-ball pool champion.
Hindi naman nagpatalo si Danilo Fresnido sa event na javelin throw at nakuha ang pang-pitong gintong medalya sa athletics.
Ang wushu players na sina Marianne Mariano at Mark Eddiva ay kapwa nakupo ang gold medals.
Sa boxing naibulsa nina Bill Vicera ang gold medal sa 45 kilograms at Charlie Suarez sa 57 kilograms featherweight division. Habang ang Olympian na si Harry Tañamor ay yumukod sa kalabang Thai boxer. Ang tumalo kay Harry ay gold medalist winner noong Asian Games.
Hindi naman nagpatalo ang dalawang Pinoy wrestlers at napagwagian ang gintong medalya.
Umeksena rin sina Jimmy Angana para gold medal haul sa over 60 kilograms at umagapay naman sa kanya si Jason Balabal sa dibisyong 74 kilograms.
Samantala naka-silver medal naman si Ruth Dugaduga sa judo para sa over 70 kilogram at bronze si Iris Rañola sa 9-ball pool single.
Sa latest medal tally, nakuha muli ng Thailand ang unang puwesto sa kanilang 84 gold medals; Vietnam 81 gold medals; Indonesia 43, Malaysia 40; at Pilipinas 37 gold medals at 32 silver medals at Singapore 33 medals.
VIENTIANE, Laos – Limang gintong medalya ang nasungkit ngayong araw ng Philippine team sa nagpapatuloy na 25th Southeast Asian Games (SEAG) sa Laos.
Tinuhog ng tatlong Filipina boxer ang boxing event matapos na dominahin ang tatlong magkakaibang debisyon.
Unang nakakuha ng gold medal si Josie Gabuco, sa 46 kilogram pinweight division makaraang talunin ang kalabang Vietnamese.
Sa ikalawang laban hindi na pinagbigyan ni Alice Kate Aparri si Milvady ng Laos sa kanilang 48 kilograms light flyweight match-up.
Ang Asian Indoor Games gold medalist na si Annie Albania ay hindi na tinapos pa ang laban kay Indri Sambaiman ng Indonesia dahil itinigil na ng referee ang laban.
Hindi pina-iskor ni Albania ang kalaban sa 6-0.
Ang pang-apat na gintong medalya ay nakuha ng beteranong shooter ng bansa na si Tac Padilla.
Naasinta ni Padilla ang gold medal sa 25 meter rapid fire pistol, habang hindi rin nagpahuli ang long jumper na si Maristella Torres at pinakain ng alikabok ang mga karibal para makuha ang gintong medalya.
Nakahanay na rin sa gold medal competitions sina wushu athlete Mariane Mariano at long distance runner Rene Herrera.
Samantala, nakahanda naman ang tatlong Pinoy boxers na sina Bill Vicera, Charlie Suarez at Olympian Harry Tañamor sa kanilang laban bukas para magdagdag pa sa kampanya sa Pilipinas bago magsara ang Sea Games sa Sabado.
(Update) VIENTIANE, Laos – Anim na gold medals pa ang naidagdag sa listahan ng Philippine team sa ika-anim na araw na partipasyon sa ginaganap na 25th Southeast Asian Games (SEAG) sa Vientiane, Laos.
Dalawang gintong medalya ang naibulsa ng RP golf team kung saan pinagbidahan ito ni Chihiro Ayuban Ikeda ang women individual event at gold medal din para sa women’s team.
Hindi naman nagpahuli si reigning women’s world 10-ball champion Rubilen Amit, na napanalunan ang gintong medalya sa 8-pool ball single women’s division.
Umeksena din para sa gold medal sina Rene Herrera at Zaidi Laruan.
Napagharian ni Herrera ang athletics 3,000 meters steeplechase, habang si Laruan naman ay sa muay thai lightweight division.
Samantala, silver medal naman ang maiuuwi nina Raland Claro para sa light flyweight (muay thai); Jaime Asok at Ryan Fabriga para sa 10 meter platform synchronize diving at bronze medal naman kay Mercedita Fetalvero sa 5,000 meter women sa athletics.
Una rito, nakuha ng dalawang Pinoy atletes sa billiard ang gold at silver para sa 8-pool ball single men’s category.
Tinalo ni Ronnie Alcano si Gandy Valle, para sa all-Filipino gold medal match-up.
VIENTIANE – Nananatili pa rin sa ika-anim na pwesto ang Pilipinas sa nagpapatuloy na 25th Southeast Asian Games sa bansang Laos, subalit nakakuha na ito ngayon ng karagdagang isa pang gintong medalya para maitala ang 12 bilang.
Pinakahuling nakapag-ambag ng gold medal si Ryan Arabejo para sa 1500m freestyle swimming.
Kaugnay nito, tiwala ang RP team na makakapasok sila sa top five dahil marami pang laro ang maaaring salihan ng mga atletang Pinoy.
Samantala, nangunguna pa rin sa medal standing ang Thailand; sinusundan ng Vietnam, Singapore, Malaysia, Indonesia, Philippines, Laos, Myanmar, Cambodia, Brunei at Timor Leste.
Inaasahang mas magiging mahigpit ang tagisan ng mga atleta sa huling yugto ng palaro na magtatapos ngayong darating na Biyernes.
VIENTIANE, Laos – Muling naidepensa ni SEA Games gold medalist Miguel Molina ang kanyang korona matapos na maibulsa ang dalawang gold medal sa ginaganap na 25th Southeast Asian Games sa Laos, Vientiane.
Napanalunan ni Molina ang 200 meter individual medley at 400 meter individual medley sa swimming competition.
Maliban sa gold medals na nasungkit ni Molina, tatlong silver medals din ang nakuha ng mga Pinoy tankers.
Sina Ryan Arabejo para sa 200 meters backstroke at Charles Walker sa 100 meters freestyle at 4×200 meters freestyle ay napagwagian naman ang medalyang pilak.
Samantala sa taekwondo event, napanalunan ang gold medal ng Olympian na si Tshomlee Go para sa featherweight 63 kilogram division.
Habang silver medal naman ang napanalunan ni Eunice Alora sa bantamweight category, habang bronze medal si Jeffrey Figueroa sa bantamweight division.
Bumandera rin si Marna Pabillore at maiuuwi ang gintong medalya sa karatedo (kumite 55 kg), silver medalist naman sina Lutche Metante (kumite 68kg) at Rolando Lagman Jr. (kumite 75kg).
Sa diving 3-meter springboard, nagkasya lamang sa silver medalist ang Pinay Olympian na si Shiela Mae Perez, habang nakopo ang bronze medal ni Ryan Fabriga para sa 10 meter platform event.
Kung maaalala si Molina ang tinanghal na best male athlete noong 2007 Thailand Southeast Asian Games.
Nasa unang puwesto na sa medal tally ang Vietnam 14 golds, 10 silvers, 10 bronze; pumangalawa ang Thailand,13 golds, 21 silvers, 16 bronze; nasa pangatlong puwesto ang Singapore 12 golds, 6 silvers,12 bronze; Indonesia, 11 golds, 7 silvers, 14 bronze; Malaysia, 8 golds,8 silvers, 17 bronze medals; pang-anim ang Pilipinas, 7 golds, 10 silvers, 7 bronze medals; Laos, 4 gold medals,3 silvers at 11 bronze; Myanmar, 2 golds, 4 silvers, 7 bronze medals; Cambodia, 1 gold,3 silver medals, 4 bronze; Brunei, 3 bronze medals at Timor Leste, isang bronze medals.(laoseagame)
Kasabay ng pormal na pagbubukas ng 25th Southeast Asian Games (SEAG) sa Laos, naibulsa ng Philippine taekwondo team ang unang gold medal para sa bansa.
Sina Rani Ann Ortega, Camille Alarilla at Janice Lagman, ang naging susi sa gold medal ng Pilipinas para sa taekwondo poomsae event.
Sila din ang nakakuha ng gold medal sa katatapos na 4th World Taekwondo Poomsae Championships na ginanap sa Cairo, Egypt.
Naging silver medalist naman sa poomsae event ang Thai athletes na sina A. Panida, T. Pich-Chapcha at Salisa Amnuaychai habang bronze medalist naman sina Chau Tuyet Van, Duong T Huynh Mai, at Nguyen Thu Ngan ng Vietnam.
Ang poomsae ay isang non-contact na anyo ng taekwondo na kung saan binibigyan-diin ang tamang pamamaraan nito.
Maliban sa unang gintong medalya, nakuha din ng RP team ang bronze medal sa mixed pair category sa tandem nina Rani Ann Ortega at Jean Pierre Sabido.
Nauna rito, nasungkit ng Philippine Water Polo team ang kauna-unahang silver medal para sa water polo event. (laoseagames)

Recent Comments