Welcome to the Latest Philippines News

Your Ad Here
Mar 022010

Pinawi ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pangamba ng publiko hinggil sa posibleng pagguho ng mga istruktura sa bansa kapag tinamaan ng malakas ng lindol.

Magugunitang bagama’t itinuturing na isa sa mga pinakahandang bansa, maraming gusali at ari-arian ang nasira sa 8.8 magnitude na lindol sa Chile.

Sinabi ngayong umaga ni Public Works Undersecretary Manuel Bonoan, patuloy ang kanilang ginagawang inspeksyon sa mga major buildings partikular dito sa Metro Manila at nakakatiyak aniya ang mga residente na ligtas at matatag ang mga istruktura na kanilang sinuri.

Ayon kay Bonoan, maliban sa ipinatutupad na buidling code, minamadali na ngayon ang tinatawag na seismic code para lalo pang mapalakas ang mga design ng mga gusali.

Mar 022010

Sa ikalawang pagkakataon, muling masisilayan sa pagtatapos ng buwan ang ikalawang ‘blue moon’ para sa taong 2010.

Ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa), dalawang beses na namang magkakaroon ng kabilugan ng buwan, tulad ng naganap noong nakaraang Enero.

Pero agad nilinaw ng Pagasa na wala itong kinalaman sa klima o anumang pagbabago ng panahon dahil ito ay nagkakataon lamang batay sa paggalaw ng mga heavenly bodies.

Inaasahan naman na mas maliwanag na makikita ang kagandahan ng ikalawang ‘blue moon’ dahil walang gaanong kaulapan sa papawirin na posibleng maka takip dito.

Batay kasi sa pagtaya ng Pagasa, walang inaasahang makapal na ulap na iiral sa may bahagi ng Pilipinas hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Marso.

Jan 302010

LEGAZPI CITY – Lubhang mapanganib sa mga residente ng Bgy. Salugan, Camalig at Padang, Legazpi City ang mga nakaimbak na volcanic debris na ibinuga sa pinakahuling pagputok ng bulkang Mayon nitong nakalipas na taon.

Ito ang lumabas sa pag-aaral ng Department of Public Works and Highways (DPWH) makaraang magsagawa ng inspeksyon sa naturang lugar.

Ayon kay Maintenance division head Tony Saguinsing, kinakailangang alisin ang mga naglalakihang bato at buhanging nakabara sa mga dike na maaaring rumagasa anumang oras sakaling makaranas ng malakas na pag-ulan ang Albay na magdulot ng malawakang pagbaha at pagragasa ng lahar.

Dahil dito, ngayon pa lamang ay naghahanap na ng kaukulang pondo ang kagawaran upang mailagak sa pag-aalis ng mga naipong mga bato sa dikeng nakatambak sa naturang mga lugar na maaaring maghatid ng sakuna sa mga residente ng Albay.

Samanatala, bumaba ang naitalang gas emission na nagmumula sa Mayon.

Sa nakalipas na 24 oras, nai-record lamang sa 741 metriko tonelada ang ibinugang asupre ng bulkan mas mababa kumpara nitong nakaraang araw na umabot sa 1,687 tonnes/day.

Tumaas naman ang naitalang pagyanig na umabot sa 12 habang 11 naman ang rockfall events ang na-detect ng seismograph ng ahensya.

Hindi pa rin nawawala ang visible na crater glow ng bulkan na kitang-kita tuwing gabi.

Una rito, binalaan ng Phivolcs at APSEMO ang publiko na bawal na bawal pa ring pumasok at umakyat sa lugar na sakop ng six kilometer radius permanent danger zone ng bulkang Mayon upang makaiwas sa anumang panganib na maaring idulot nito.

Jan 142010

BAGUIO CITY – Tumitindi pa ngayon ang nararamdamang lamig sa Summer Capital of the Philippines.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Baguio sa Pagasa, umabot na ngayon sa 10.5 degrees celsius ang naitalang pinakamababang temperatura kaninang madaling araw.

Mas mababa ito kung ikukumpara kahapon na 11.4 degrees celsius.

Paliwanang ng local Pagasa, ito ay dahil sa northeast monsoon na umiiral ngayon sa buong bansa.

Ayon kay Letty Dispo ng Pagasa-Baguio, posible pang tumindi ang lamig sa lungsod sa mga susunod na araw.

Pero sinabi nito na malabo na umanong maranasan o malagpasan ang naitalang pinakamababang temperatura sa boung kasaysayan ng lungsod na 6.3 degrees celsius na naitala noong Enero 1961 dahil sa global warming.

Matatandaan na ang pinakamababa ring temperatura na naitala sa City of Pines noong nakaraang taon ay naitala sa 7.5 degrees celsius.

Jan 062010

Inihayag ngayon ng Pagasa forecasting center na posibleng maagang pumasok ang panahon ng summer o tag-init sa ating bansa.

Ayon kay Pagasa spokesman Nathaniel Cruz, maaaring sa susunod na buwan pa lang ay magsimula ng maranasan ang mas mainit na temperatura bunsod ng pag-iral ng El Niño phenomenon.

Aniya, hindi karaniwan ang mga ganitong pagbabago sapagkat dating bahagi pa ng taglamig ang buwan ng Pebrero.

Magugunitang sa panahong ito sana umiiral ang malamig na panahon sa ilang parte ng Asya dahil sa pagkatunaw ng yelo sa Siberia o mas kilala bilang Siberian wind.

Dagdag pa ni Cruz, hindi lang mas mainit kundi mas mahabang summer season pa ang nakatakdang maramdaman ng mga Pinoy kaya’t dapat itong paghandaan.

Dec 302009

Niyanig ng magnitude 5.5 na lindol ang lalawigan ng Leyte ngayong hapon lamang.

Sa impormasyong ipinaabot sa Bombo Radyo ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum, naitala ang sentro ng lindol sa 73 kilometro hilaga at 47 kilometro silangan ng Maasin, Southern Leyte.

Ito ay may lalim na 119 kilometro at tectonic in origin.

Ayon sa Phivolcs, intensity 4 ang naramdaman sa McArthur, Eastern Samar; intensity 3 sa Tacloban City; intensity 2 sa Borongan, Eastern Samar at intensity 1 sa Policarpio, Eastern Samar.

Magugunitang kaninang umaga lamang ay niyanig din ng magnitude 5.0 na lindol ang karatig lang na Surigao at sinundan ng magnitude 5.0 na aftershock.

Dec 292009
LEGAZPI CITY – Nasa “healing period” umano ngayon ang bulkang Mayon.

Ito ang naging paliwanag ni Phivolcs Director Renato Solidum kaugnay ng walang humpay na pagpapamalas ng aktibidad ng bulkan.

Aniya, ang gullies at channel na lumalim dahil sa epektong dulot ng naganap ng naunang mga pagsabog ng bulkan ay ibinabalik sa dati nitong anyo.

Subalit inihayag ng opisyal na sa oras na maganap muli ang hazardous eruption ay masisira na naman ang hugis at anyo nito.

Nauna ng inihayag ni Solidum na ibinabalik ni “Daragang Magayon” (Mayon volcano) ang “perfect cone” nito na nasira bunsod ng naganap na mga pagputok ilang taon na ang nakakalipas.

Samantala, malaki ang pagkakaiba ng pag-aalburuto ngayon ng bulkan kumpara noong 2006 ito’y dahil mas maraming pagsabog ang naitatala ngayon habang noong nakalipas ay walang masyadong nangyaring pagsabog.

Nangangahulugang mas mapanganib ang mga kaganapan sa ngayon dahil sa lahar threat sa oras na bumuhos ang malakas na pag-ulan.

Umaabot na ngayon sa 5.7 kilometers ang layo ng lava flow mula sa crater ng bulkan na visible kagabi.

Dec 182009

COPENHAGEN – Dalawang araw bago magtapos ang isinasagawang Climate Change Summit sa Copenhagen, Denmark, nananatiling malabo ang inaasahang Climate Treaty.

Ito’y matapos na hanggang ngayon ay nasa deadlock pa rin ang nasabing pag-uusap kahit sinimulan na ang high-level phase ng naturang pagtitipon.

Sinabayan naman ng magulong kilos protesta ang ikasampung araw ng summit kung saan nagkagirian ang mga pulis at raliyesta.

Ayon sa pulisya, umaabot sa 260 ang kanilang inaresto at ikinulong matapos na tinangka ng mga raliyesta na guluhin ang pagtitipon.

Binomba ng mga riot police ng pepper spray at binatuta ang mga raliyesta.

Ito na ang pangalawang malaking kilos protesta na inilunsad sa Copenhagen sa gitna ng Climate Summit.

Mas malaki ang unang pagkilos kung saan mahigit 1,000 naman ang naaresto ng pulisya.

Samantala, mistula na ring nawawalan ng pag-asa ang mga maliliit na bansa at mga isla na siya umanong higit na apektado ng global warming.

Inihayag ng chairman ng negotiating group na si John Ashe ng Antigua na hanggang ngayon ay wala pa rin silang naabot na kasunduan.

“I regret to report we have been unable to reach agreement,” ani Ashe.

Napag-alaman na hindi magkasundo ang mga delegado mula sa 193 bansa ukol sa isinusulong na carbon emission cut target at ang tulong pinansyal sa mga mahihirap na bansa laban sa climate change.

Una nang nanawagan si UN Secretary General Ban Ki-moon sa mga mahihirap na bansa na isantabi muna ang inaasahang financial aide at gawing prayoridad ang pagbuo ng Climate Treaty. (AP)

Dec 142009

COPENHAGEN, Denmark – Nabigo ang mga otoridad sa Denmark na mapigilan ang kaguluhan sa Copenhagen kasabay ng inilunsad na kilos protesta ng iba’t-ibang grupo kasabay sa nagpapatuloy na Climate Change Summit.

Nagkagirian ang mga pulis at mga raliyesta, matapos na pinagbabato ng mga aktibista ang dating tanggapan ng stock exchange at Foreign Ministry building.

Umaabot sa 968 katao na sumali sa nasabing kilos protesta ang inaresto ng pulisya kasunod ng nangyaring kaguluhan.

Inihayag ng organizers ng naturang mass rally na nasa 100,000 katao umano ang sumama sa mass rally, habang 40,000 naman na mga pulis ang ipinakalat sa buong Copenhagen.

Nagmartsa ang grupo mula sa iba’t-ibang bahagi ng Denmark at nagtipon sa harap ng Bella Center kung saan isinasagawa ang pagtitipon na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa 192 bansa sa mundo.

Hiling ng mga aktibista sa mga world leaders na lagdaan ang isang Climate Treaty, bagama’t sinasabing imposible umano ito sa ngayon.

Samantala, patuloy pa ring pinagtatalunan ng mga world leaders ang carbon emission cut na dapat itakda ng mga bansa.

Nagkaisa ang European Union, Japan, Australia at Estados Unidos sa pagtutol sa proposal na lilimitahan lamang ng developing nations ang carbon dioxide emission kapag may tulong pinansyal mula sa mayayamang bansa.

Iginiit ng mga itinuturing na rich nations na obligado rin ang bansang mahihirap na bawasan ang kanilang carbon emission, may tulong pinansyal man o wala. (AP)

Dec 112009

Tuluyan ng nalusaw ang namumuong sama ng panahon sa katimugang bahagi ng ating bansa.

Ito ang ini-ulat ngayong umaga ni Bubby Javier ng Pagasa forecasting center matapos tumama sa kalupaan ng Visayas at Mindanao ang sentro ng nabanggit na low pressure area (LPA).

Bukod dito, maging ang binabantayang weather system sa labas ng bansa, partikular na sa Karagatang Pasipiko ay unti-unti na ring humihina.

Anang Pagasa, posibleng hindi na ito maka-apekto sa bansa ngunit magpapatuloy naman ang nararanasang mahalumigmig na hangin na dulot ng northeast monsoon o amihan.