Naungusan ngayon ng telecom tycoon sa Mexico na si Carlos Slim Helu ang Microsoft founder na si Bill Gates bilang pinakamayamang tao sa mundo.
Sa inilabas na ranking ng Forbes magazine, nangunguna na ngayon si Helu na ang kabuuang yaman ay nasa $53.5 billion, tumaas ng $18.5 billion sa loob lamang ng isang taon.
Napag-alaman na noong 2009, pangatlo lamang si Helu sa pinakamayamang tao sa mundo ayon pa rin sa Forbes.
Ang dati ay nangungunang si William “Bill” Gates III, ngayon ay pangalawa na lamang na may $53 billion assets.
Napag-alaman na sa loob ng 15 taon, 14 na titulo bilang “richest man in the world” ang hawak ni Gates.
Samantala, ang dating pumapangalawa kay Gates na si Warren Buffet, ay pangatlo na lamang sa pinakamayaman sa mundo na ang asset ay nasa $47 billion.
Narito ang ilan sa pinakamayamang tao sa mundo ayon sa Forbes:
1. Carlos Slim Helu & family, Mexico – $53.5
2. William Gates III, US – $53.0
3. Warren Buffett, US – $47.0
4. Mukesh Ambani, India – $29.0
5. Lakshmi Mittal, India – $28.7
6. Lawrence Ellison, US – $28.0
7. Bernard Arnault, France – $27.5
8. Eike Batista, Brazil – $27.0
9. Amancio Ortega, Spain – $25.0
10. Karl Albrecht, Germany – $23.5
11. Ingvar Kamprad & family, Sweden – $23.0
12. Christy Walton & family, US – $22.5
13. Stefan Persson, Sweden – $22.4
14. Li Ka-shing, Hong Kong – $21.0
15. Jim Walton, US – $20.7
16. Alice Walton, US – $20.6
17. Liliane Bettencourt, France – $20.0
18. S. Robson Walton, US – $19.8
19. Prince Alwaleed Bin Talal Alsaud, Saudi Arabia – $19.4
20. David Thomson & family, Canada – $19.0
21. Michael Otto & family, Germany – $18.7
22. Lee Shau Kee, Hong Kong – $18.5
23. Michael Bloomberg, US – $18.0
24. Sergey Brin, US – $17.5
24. Charles Koch, US – $17.5
Batay sa survey na ginawa ng Forbes, mayroon umanong 1,011 bilyonaryo sa mundo, mas mataas sa dating 793 noong 2009.
Bagama’t patuloy ang pagdomina ng Amerika sa listahan ng mga bilyonaryo, bumaba ito sa 40 percent mula sa 45% noong nakaraang taon.
Sa 97 na bagong miyembro ng mga bilyonaryo sa mundo, 16 percent lamang ang mula sa US sa halip ang pinakamarami ay mula sa Asya na 104 billionaires ang idinagdag sa listahan.
Kabilang sa mga bagong bilyonaryo ang Amerikanong si Isaac Perlmutter, ang may-ari dati ng Marvel Entertainment na tahanan ni Spiderman.
Ang 27 nakapasok sa billionaires list ay mula sa China habang sa unang pagkakataon, nagkaroon ng bilyonaryo sa Finland at Pakistan.
Sa pinakaunang pagkakataon rin, ang China ang may pinakamaraming milyonaryo sa labas ng US na umaabot sa 89; tinalo nito ang Russia na mayroon lamang 62 bilyonaryo batay sa survey ng magazine.
Ngunit 30 umano na nakasama sa listahan ng mga bilyonaryo sa mundo noong nakaraang taon ay hindi na napabilang sa 2010 world’s billionaire.
Labingtatlo naman sa mga napasama sa listahan noong 2009 ay pumanaw na. (Forbes)
NEW YORK – Iniutos ngayon ni UN Secretary-General Ban Ki-moon sa mga eksperto na i-review ang inilabas na report ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ng ahensya.
Ito’y kasunod ng pressure na nakaatang ngayon sa IPCC dahil umano sa ilang mali sa major assessment ukol sa climate science noong 2007.
Ayon sa UN chief, matindi ang epekto ng climate change na gawa ng tao at kailangan ang mga hakbang upang malimitahan ang carbon emissions.
Ang isasagawang pagrepaso sa nasabing report ay pangungunahan ng Inter-Academy Council na siyang maghahanap ng mga panel of experts sa climate change.
“Let me be clear – the threat posed by climate change is real. I have seen no credible evidence that challenges the main conclusions of (the IPCC’s 2007) report,” ani Ban.
Ngunit kakaunti lang naman aniya ang mga pagkakamali sa 3,000 pahinang report.
Napag-alaman na kinwestyon ang nasabing report ng isang eksperto mula sa University of Colorado dahil wala umanong sapat na basehan ang sinasabing halaga ng pinsala na idinulot ng climate change.
Welcome naman para kay IPCC chair Rajenda Pachauri ang pagrepaso sa nasabing report ngunit nanindigang tama ang nasabing report.
“The IPCC stands firmly behind the rigour and reliability of its Fourth Assessment Report from 2007, but we recognise that we can improve,” ani Pachauri. (BBC)
LONDON – Malungkot na ibinalita ngayon ni British Prime Minister Gordon Brown na itinuloy ng China ang pagbitay sa isang British national na nahatulan sa kasong may kaugnayan sa drug smuglling.
Kasabay nito, mariin ding kinondina ng British government ang nabanggit na hakbang ng China.
“I condemn the execution of Akmal Shaikh in the strongest terms, and am appalled and disappointed that our persistent requests for clemency have not been granted,” ani Brown sa isang official statement.
Maalala na pinagtibay ng Chinese Supreme Court ang death sentence laban kay Shaikh matapos itong mapatunayang guilty sa nabanggit na kaso.
Ang 53 anyos na si Shaikh ay mayroong tatlong anak at sinasabing may sakit na bipolar disorder.
Pero iginiit ng Korte na hindi sapat ang alibi ng akusado para makasalba ito sa parusang bitay.
“The materials provided by the British side were insufficient in proving that Akmal has a mental illness and that Akmal’s family has a history of mental illness. Akmal himself also did not provide such materials.”
WELLINGTON – Mahigit 200 mga whales ang natagpuang patay sa dalawang dalampasigan sa New Zealand ayon sa Department of Conservation (DOC).
Ang mahigit 20 umano ay inilibing na sa Coromandel habang 63 naman ang natagpuang patay sa Colville Bay na kalapit lamang ng Coromandel.
Ang naturang mga whales ay nakita umano ng mga mangingisda na mahigit 300 metro na mula sa tubig.
Karamihan ay naisalba ng lokal na pamahalaan at ng mga turista kung kaya’t naibalik sa tubig at hindi na nakita pa sa dalampasigan.
Inihayag ni DOC spokeswoman Lyn Williams na isa sa nastranded ay nanganak pa nang ibalik sa tubig.
Samantala, 105 whales din umano ang namatay sa Farewell Spit sa bahagi ng South Island.
Inihayag ni DOC Golden Bay biodiversity program manager Hans Stoffregen, ang nasabing mga whales ay nastranded din at hindi na nakabalik sa karagatan.
Nadiskubre umano ang mga ito na wala ng buhay sa dalampasigan ng isang tourist plane pilot. (Xinhua)
TEHRAN, Iran – Lima na ang patay sa madugong kilos protesta sa Iran, matapos na nagkasagupa ang mga riot police at nagpoprotesta sa nasabing bansa, kasabay ng pagtatapos ng Ashura festival ng mga Shiite Muslims.
Kaugnay nito, mahigit 300 na mga raliyesta ang inaresto ng mga otoridad sa isinagawang crackdown habang marami namang pulis ang sugatan.
Nagkagirian ang riot police at mga nagsasagawa ng kilos protesta nang batuhin ng mga tao ang Iranian security forces.
Kabilang sa mga nasawi ang pamangkin ni opposition leader Mir Hossein Mousavi.
Hindi inaasahan ng mga raliyesta ang ginawa ng mga otoridad sa kabila ng babala ng pamahalaan na magpapatupad ng marahas na hakbang sa mga maglulunsad ng kilos protesta sa nasabing banal na araw.
Lalo namang nagatungan ang galit ng mga tao sa ginawa ng pulisya, at hinarang ang mga lansangan sa pamamagitan ng pagsunog ng mga pamphlet sa gitna ng daan.
Ang mga nasawi ay sinasabing may tama ng bala matapos binaril umano ng mga pulis.
Hindi lamang sa Tehran nagmartsa ang mga raliyesta ngunit sa ibang pangunahing lungsod sa Iran na nananawagan sa pagbaba sa puwesto ni Iranian President Mahmoud Ahmadinejad. (AP)
WASHINGTON – Hawak na ngayon ng US authorities ang isang Nigerian national na nagtangkang pasabugin ang isang pampasaherong eroplano sa pamamagitan ng isang uri ng pampasabog.
Galing ng Amsterdam at kalalapag lamang sa Detroit ang Northwest flight 253.
Agad namang naaresto ang suspek na si Abdul Mudallad na umaming batay sa instruksyon ng Al-Qaida ang kanyang ginawa.
“We believe this was an attempted act of terrorism,” ayon sa isang White House official.
Ang Airbus 330 ay may sakay na 278 pasahero.
Ayon sa isang e-mail ni Federal Aviation Administration spokeswoman Elizabeth Isham Cory, nagdeklara ng emergency ang piloto ng naturang eroplano na marahil ay dahilan ng pag-panic ng mga pasahero.
“The explosive device was a mix of powder and liquid. It failed when the passenger tried to detonate it,” pahayag ng isa sa U.S. intelligence officials.
At bagama’t kasalukuyang nasa bakasyon sa Hawaii si President Barack ay naiutos pa rin nito na dagdagan at higpitan ang seguridad sa US airlines dahil ayaw na umano nitong maulit pa ang sinasabing attempted terrorist attack.(AP)
LONDON, England – Patuloy ang problema sa transportasyon na nangyayari sa buong Europe dahil sa pananalasa ng winter storm.
Libu-libong flights na ng eroplano ang kanselado sa malalaking paliparan sa kontinente, dahilan ng pagka-stranded ng mga pasahero.
Umakyat na rin sa 117 ang mga namatay dahil sa tindi ng lamig sa Europe, ngunit nagbabala ang mga eksperto na mas malamig pa ang temperatura sa darating na mga araw.
Pinakamarami sa nasawi ay mula sa Poland na umaabot na sa 79, karamihan ay mga walang tahanan, dahil sa negative 20 degrees Celcius na temperatura sa nasabing bansa.
Kahapon lamang ay 10 umano ang nadagdag sa mga patay, samantala 27 naman ang naiulat na nasawi sa Ukraine, anim sa Germany, tatlo sa Austria at dalawa sa France.
Ngunit matapos ang ilang araw na pagsuspinde ng biyahe, balik na sa normal ngayon ang operasyon ng Eurostar na siyang bumibyahe sa Belgium, Paris at London.
Sa ngayon problema pa rin ang biyahe ng mga eroplano kung saan mahigit 200 flights ng EasyJet ang kinansela dahil sa matinding pag-ulan ng yelo at pagsara ng ilang paliparan, habang ang Ryanair ay nagkansela ng 65 mga flights.
Ang British Airways ay nagkansela rin ng flights matapos na pansamantalang nagsara ang London Gatwick airport sa Gran Britanya.
Nasa 8,000 na mga pasahero naman ang stranded sa Frankfurt airport sa Germany, matapos kinansela rin ang mga flights dahil sa nagyeyelong runway.
Isang oras din na isinara ang pangunahing international airport sa Germany at Luton airport sa London.
Sa dalawang paliparan sa Italy, mahigit 75 porsiyento ng mga flights ng eroplano ang kinansela.
Ngunit hindi lamang sa mga paliparan na-stranded ang mga tao dahil maging sa mga department store ay natulog ang na-trap na mga shoppers bunsod ng matinding pag-ulan ng yelo. (AFP/BBC)
PARIS, France – Umaabot na sa mahigit 80 ang patay sa pananalasa ng snow storm sa Europe.
Sa Poland, 42 na ang kumpirmadong patay dahil sa sobrang lamig matapos na umaabot na sa negative 20 degrees ang temperatura sa nasabing bansa.
Mayroon namang 27 na iniulat na namatay sa Ukraine, anim sa Germany, tatlo sa Austria at dalawa sa France.
Ayon sa report ng mga otoridad, maliban sa lamig, ilan sa mga nasawi ay dahil sa mga aksidente sa sasakyan bunsod ng napakakapal na yelo na nakabalot sa mga bansa sa Europe.
Mayroong 36 na sugatan sa Paris, France matapos na naaksidente ang isang tren at mahigit 300 ang inilikas mula sa naturang sasakyan.
Sa Croatia, 52 rin ang sugatan sa aksidente sa tren bunsod ng makapal na snow sa mga lansangan.
Maliban sa mga nasawi, paralisado na ang biyahe ng mga tren at eroplano kung saan libu-libong pasahero ang stranded matapos na nagkansela ng biyahe ang Eurostar na bumibiyahe mula London hanggang Paris.
Patuloy ang pagkansela ng mga flights ng eroplano sa mga paliparan sa France, Germany, Netherlands, Portugal, Spain, Italy at Romania kung saan natulog na lamang ang mga pasahero sa mga airports.
Mahigit 20 porsiyento umano ng biyahe ng eroplano sa Paris ang kinansela, 174 flights sa Espanya at marami pang flights sa Belgium at Gran Britanya ang apektado ng matinding pag-ulan ng yelo.
Sa France, umaabot na sa dalawang milyong mga mamamayan ang walang supply ng koryente. (AFP)
BLANTYRE, Malawi – Tatlo ang patay habang mahigit 200 naman ang sugatan matapos na niyanig ng malakas na lindol ang ilang bansa sa South Africa.
Inihayag ni Gasten Macheka, commissioner ng Karonga district sa Malawi, na maraming buildings ang nawasak nang tumama ang magnitude 6.0 na lindol sa nasabing bansa.
Umaabot umano sa 270,000 na mga residente ang inilikas para sa kanilang kaligtasan.
“This is a crisis,” ani Macheka. “We are asking everyone in Karonga not to be in houses or near houses because the situation is unstable. We are appealing to the government and the international community to help us as a matter of urgency.”
Ayon kay Leonard Kalindefake, director ng Malawi Department of Geological Survey, ang nangyaring pagyanig ay pinakalamalakas na naitala sa kasaysayan.
Pinakamalalang naapektuhan ang Karonga district kung saan maraming bahay ang nawasak.
Ayon sa opisyal, ngayong buwan lamang, naging madalas ang lindol sa Malawi at halos araw-araw silang nakakaranas ng aftershocks.
“It’s now really chaotic. We can’t tell what’s going to happen,” ani Kalindefake.
Ang Malawi ay nasa Great Rift Valley fault line na maaaring dahilan ng madalas na lindol.
Sa ngayon patuloy umano na ina-assess ng Department of Relief and Disaster Management Affairs, ang pinsala na idinulot ng pagyanig.
Samantala, maliban sa Malawi, niyanig din ng magnitude 6.2 na lindol ang karatig na Tanzania, ngunit wala pang may naiulat na nasawi o pinsala sa lindol sa nasabing bansa. (AFP)
LAGOS, Nigeria – Umaabot na sa 65 ang kumpirmadong patay sa pagsalpok ng isang truck sa pampublikong pamilihan sa Kogi state sa Nigeria.
Ayon sa report, maliban sa mga nasawi, 38 pa ang sugatan sa naturang insidente.
Nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck na puno ng abono, kung kaya’t sinalpok ang mga nakaparadang sasakyan sa harap ng public market.
Napaiyak naman si Kogi Gov. Ibrahim Idris nang makita ang kalunos-lunos na nangyari sa mga biktima.
Kasabay nito, nagdeklara ng three-day period of mourning ang gobernador, para sa mga biktima ng insidente. (Xinhua)

Recent Comments