Ping, hindi fugitive; hihingi ng TRO – counsel

LACSON ang counselInihahanda na ng kampo ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang motion for reconsideration sa kasong kinakaharap ng senador na may kaugnayan sa Dacer-Corbito double murder case.

Ito’y kasunod ng pagpapalabas ng korte ng warrant of arrest laban sa senador sa kasong double murder at kidnapping.

Ayon sa abugado ni Lacson na si Atty. Alex Avisado, kung ibasura ng korte ang kanilang mosyon, iaakyat nila sa Court of Appeals ang paghingi ng temporary restraining order.

Alam na rin umano nila na ipapaaresto ng korte si Lacson dahil nakikita na nila ang pattern.

Nanindigan naman si Avisado na wala siyang ideya kung saan nagtatago ang kanyang kliyente matapos na umalis ng bansa noong Enero 5, sabay ng paggigiit na hindi ito fugitive.

Maaaring alam na rin umano ng senador ang tungkol sa arrest warrant.

Napag-alaman na ngayong hapon lamang ay inilabas ni Judge Myra Fernandez ng Branch 18 ng Manila Regional Trial Court ang arrest warrant laban kay Lacson at walang piyansa na inirekomenda ang korte.

Pinagbatayan umano ng korte sa pagsasampa ng kaso ang testimonya ni dating Supt. Cezar Mancao na nagsabing narinig niya ang utos ni Lacson na patayin ang PR man na si Salvador Dacer.

Samantala, inihayag ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi kikilos ang Senado upang harangin ang pag-aresto kay Lacson dahil iginagalang nila ang kautusan ng hukom.

Dagdag pa ni Enrile, sakali mang maaresto si Lacson ay matutulad daw ito kay Antonio Trillanes IV na nakulong naman dahil sa tangkang pagpapabagsak sa gobyerno ni Pangulong Gloria Arroyo.

Aminado si Enrile na nabawasan ang kanilang kasamahan sa Senado ngunit kumpiyansa itong tapat pa rin ang natitirang 21 senador para magkaroon ng forum sa mataas na kapulungan ng Kongreso.

Tiniyak din ng pangulo ng Senado na bagama’t may warrant of arrest na, dapat pa ring respetuhin ng mga otoridad ang karapatan ni Sen. Lacson.

Ab Workouts

Leave a comment

0 Comments.

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.